Hindi na pumapasok sa trabaho o nag-absent without official leave (AWOL) na ang isa sa isinasangkot sa pagpatay sa mamamahayag na Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), matagal nang hindi nagre-report sa trabaho si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta matapos mapatay si Lapid.

Si Zulueta ay kabilang sa sinampahan ng kasong murder nitong Lunes kaugnay sa pagpaslang sa nabanggit na mamamahayag nitong Oktubre.

Kasama rin sa kaso ang umano'y mastermind sa pamamaslang kay Lapid na si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, ang trusted aide nito na galing Iwahig Prison na si Denver Mayores, at mga presong sina Alvin Labra, Batang City Jail (BCJ) commander, Aldrin Galicia, Sputnik Gang commander, at Happy Go Lucky commander Alfie Peñaredonda.

Eleksyon

Ipe, suportado ng mag-inang Honeylet, Kitty

Kaugnay nito, mino-monitor pa ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Bantag.

Nauna nang inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na pinag-aaralan nilang maglabas ng immigration lookout bulletin order laban kina Bantag at Zulueta.

Si Bantag ang itinuturo ng umano'y "middleman" sa kaso ni Lapid na si Cristito Villamor Lapaña o Jun Villamor, na nag-utos sa kanya na ipapatay kay self-confessed gunman Joel Escorial si Lapid.

Binawian ng buhay si Villamor habang nakakulong sa NBP apat na oras matapos iharap sa mga mamamahayag si Escorial.

Matagandaang napatay si Lapid matapos paulanan ng bala habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.