Ibinahagi ni Senador Robinhood "Robin" Padilla ang pagbisita niya sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Miyerkules, Oktubre 5, upang boluntaryong magpa-drug test.

Ito ay dahil sa panawagan niyang maging boluntaryo lamang ang pagpapa-drug test sa mga celebrity at opisyal ng pamahalaan, sa halip na mandatory. Sa kabilang banda, naniniwala si Senador Padilla na dapat manguna ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagpapa-drug test upang pamarisan ng lahat.

"Tayo po ay bumisita ngayong araw, Oktubre 5, 2022 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang ating mga kasamahan sa industriya ng entertainment at pamamahayag, upang boluntaryong magpa-drug test," aniya sa kaniyang Facebook post.

"Maraming salamat po sa mainit na pagtanggap, Director General Wilkins M. Villanueva, MPA, CESE at Director Derrick Arnold Carreon, CESE."

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"Naniniwala po ako na kung may dapat pong sumailalim sa mga ganitong klase ng test, kailangan itong pangunahan ng mga opisyal sa gobyerno kagaya po ng inyong lingkod."

Negatibo naman ang lumabas na resulta sa kaniyang drug test.

Sa hiwalay na Facebook post ay muling nagpasalamat si Padilla sa mga bumubuo ng PDEA.

Kamakailan lamang ay sumailalim sa isang heart procedure si Padilla upang ipatanggal umano ang bara sa kaniyang puso.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/01/robin-padilla-sumailalim-sa-isang-heart-surgery-malalapit-na-kaibigan-nagpaabot-ng-dasal/">https://balita.net.ph/2022/10/01/robin-padilla-sumailalim-sa-isang-heart-surgery-malalapit-na-kaibigan-nagpaabot-ng-dasal/

Nag-ugat ang isyu hinggil sa drug-testing sa mga celebrity dahil sa pagkakahuli sa isang buy-bust operation sa aktor na si Dominic Roco, anak ng batikang aktor na si Bembol Roco.

Iginiit ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers noong Linggo, Oktubre 2, na dapat isailalim muna sa drug- testing ang mga artista bago mabigyan ng proyekto.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/02/mga-artista-i-drug-test-muna-bago-bigyan-ng-proyekto-rep-barbers/">https://balita.net.ph/2022/10/02/mga-artista-i-drug-test-muna-bago-bigyan-ng-proyekto-rep-barbers/