Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapagtala na sila ng mahigit na 1,000 kaso ng leptospirosis sa bansa.

Batay sa datos, nabatid na kabuuang 1,078 leptospirosis cases ang naitala mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, ang 165 sa naturang bilang ay naitala mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 23 lamang.

Sa panahong ito, aniya kabilang sa nakitaan ng mataas na kaso ng leptospirosis ang National Capital Region (NCR), Cagayan Valley at Central Luzon.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ani Vergeire, umabot naman na sa 156 ang nasawi dahil sa leptospirosis mula noong Enero hanggang Hulyo.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang opisyal sa publiko na umiwas sa paglusong sa baha upang hindi dapuan ng leptospirosis.

Pero kung talaga aniyang hindi maiwasan, maaaring gumamit ng mga protective gears, gaya ng bota.

Kung lumusong naman sa baha at may sugat sa paa, agad magpakonsulta sa barangay health center para makakuha ng prophylaxis.

Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay lagnat, masakit na kasu kasuan at pananakit ng tiyan.