Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa publiko nitong Huwebes na ang paggawa ng Online Voucher Application Portal (OVAP) Account upang makapag-aplay para sa Senior High School Voucher Program (SHS VP) ng pamahalaan ay hanggang bukas na lang, Hulyo 22, Biyernes.

“MAHALAGANG PAALALA📣Maaari pang gumawa ng inyong Online Voucher Application Portal (OVAP) Account hanggang Hulyo 22, 2022 upang makapag-apply para sa Senior High School (SHS) Voucher Program,” anang DepEd, sa isang Facebook post.

Nilinaw naman ng DepEd na ang paggawa ng OVAP Account ay hindi pa ang opisyal na aplikasyon para sa naturang programa.

Bagkus, ang nasabing account anila ay ang siyang gagamitin ng mga estudyante upang makagawa at makapagsumite ng aplikasyon para sa SHS Voucher Program.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Anang DepEd, maaaring bisitahin ang OVAP at gumawa na ng account sa PEAC Online Voucher Application Portal. Ang SHS VP ay isang programa ng pamahalaan na layuning magbigay ng tulong pinansiyal sa mga mag-aaral sa senior high school sa pamamagitan ng tinatawag na vouchers.

Sinimulan ng DepEd ang voucher application para sa School Year 2022-2023 noong Hunyo 29, 2022 at nakatakda itong magtapos sa Hulyo 29, 2022.

Inaasahan namang sa Agosto 22, 2022 ay ipapaskil na ng DepEd ang resulta ng online application sa OVAP.

Anang DepEd, ang mga mag-aaral na makakapasa para sa programa ay tatawaging Qualified Voucher Recipients (QVRs).

Maaari anilang i-redeem ng mga QVRs ang kanilang vouchers simula sa Agosto 22 hanggang sa Nobyembre 4, 2022 lamang at ito ang kanilang ipiprisinta sa mga paaralang kanilang papasukan.

Anang DepEd, ang mga eligible para mag-aplay para sa SHS VP ay ang mga sumusunod:

- mag-aaral na nakapagtapos ng Grade 10 mula sa private schools at hindi ESC grantee noong SY 2021-2022;

- nakapagtapos ng Grade 10 bago ang SY 2021-2022 pero hindi mas maaga sa taong 2016 at hindi pa kailanman nag-enroll ng Grade 11;

- Completers ng Alternative Learning System (ALS) na pasado sa Accreditation and Equivalency Test (A&E) sa Junior High School level nang hindi mas maaga sa 2016 at hindi pa nakapag-enroll sa Grade 11;

- mga ALS completer na pasado sa Presentation Portfolio Assessment ng SY 2021-2022;

-  mga learner na nakapasa sa Philippine Education Placement Test (PEPT) para sa Grade 10 nang hindi mas maaga sa 2016 at hind pa kailanman nag-enroll sa Grade 11; at

-  mga learner na kukuha pa lang ng PEPT sa SY 2022-2023.

 Nabatid na hindi naman kuwalipikado sa programa ang mga sumusunod:

 -  graduate ng high school noong 2015 o mas maaga pa;

-   incoming Grade 12 learners na hindi SHS VP beneficiary noong sila ay nasa Grade 11; at

-   mga learner na hindi Filipino citizen

Samantala, otomatiko namang kuwalipikado para sa programa at hindi na kailangan pang mag-aplay ang mga mag-aaral na nagtapos ng Grade 10 sa DepEd public schools noong SY 2021-2022 at yaong mga nagtapos ng Grade 10 na ESC grantee noong School Year 2021-2022.

Tiniyak naman ng DepEd na libre lamang ang online application para sa programa.

Pinaalalahanan rin nito ang mga aplikante na tiyaking kumpleto ang mga isusumite nilang dokumento para sa kanilang aplikasyon.