Masusing minomonitor nitong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG), at ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), ang sitwasyon ng trapiko sa Edsa southbound para sa inisyal na epekto nang isinarang Timog Flyover southbound.
Ayon sa MMDA, isinara ang tulay nitong Sabado, Hunyo 25 upang bigyang-daan ang isang buwang pagkukumpuni nito.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na base sa inisyal na assessment ay nananatiling napapamahalaan pa rin ang sitwasyon ng trapiko sa EDSA Kamuning service road.
"There are four identified alternate routes for motorists. Vehicles coming from EDSA southbound may turn right at either Mother Ignacia Avenue, Panay Avenue, Scout Albano, or Scout Borromeo. Motorcycle riders and bikers are likewise urged to use these alternate routes for their safety," ani Artes.
Idinagdag ni Artes na nagdeploy ng karagdagang tauhan ang ahensya upang magmando ng trapiko sa mga apektadong lugar.
"Around 100 additional enforcers have been deployed to better manage traffic along Edsa. We will be assisted by the PNP-HPG as well as the local government unit of Quezon City at the inner roads," pahayag ni Artes.
"MMDA is also considering making adjustments on the traffic lights, if necessary."
Aniya, pinaigting pa ng ahensya ang clearing operations upang tanggalin ang anumang sagabal sa kalsada kabilang ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan para tiyaking madadaanan ang mga alternatibong ruta.
Naglagay na rin ang MMDA ng karagdagang directional signages bilang gabay ng mga motorista sa mga alternatibong ruta.
Base sa vehicle traffic count na isinagawa ng MMDA Traffic Engineering Center noong Mayo, nasa kabuuang 109,124 na kotse kada araw ang dumaraan sa nabanggit na bahagi ng EDSA. Habang ang flyover ay dinaraanan ng 57,354 na mga sasakyan samantalang 51,770 namang sasakyan ang bumabagtas sa service road.