Nagsalita na ang sambayanang Pilipino. Muli tayong gumawa ng kasaysayan sa pagboto ng majority president-vice president tandem.
Base sa datos na mula sa Comelec transparency server, mahigit 50% ng mga botante ang pumili kay Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM) bilang susunod na pangulo ng bansa, at kay Inday Sara Duterte bilang pangalawang pangulo. Landslide victory na maituturing dahil napakalayo ng agwat sa kanilang mga katunggali sa eleksyon.
Ang panalong ito ng UniTeam ay panalo para sa mamamayang Pilipino. Mas magiging mabilis ang ating pag-angat dahil ang dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa ay tiyak na magtutulungan. Unity at continuity ang maaasahan natin sa ilalim ng Marcos-Duterte leadership.
Gaya ng palaging sinasabi nina BBM at Inday Sara, pagkakaisa ang unang hakbang upang matamo ang ating mga mithiin para sa Pilipinas. Handa na silang ipagpatuloy ang mga magagandang programang sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Handa na silang umpisahan ang kanilang trabaho at patuloy na magsumikap para sa mas maganda at mas maunlad na kinabukasan ng ating bansa.
Natitiyak na natin ngayon ang patuloy na pagpapatupad ng “Build, Build, Build”, at iba pang mga programa ng kasalukuyag administrasyon, gaya ng war on drugs, ang mga anti-insurgency program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at marami pang iba.
Inaasahan natin ang pagpapatupad ni BBM ng kaniyang plataporma para sa pagpapabuti ng edukasyon at healthcare, agrikultura at food security, pagpapalakas ng turismo at patuloy na paglikha ng mga trabaho, pagpapabilis sa mga proyekto sa imprastraktura kasama na ang digital infrastructure, pamumuhunan sa pag-develop ng renewable energy sources, at pagtataguyod sa sustainable development, bukod sa iba pang mga programa.
Ang mga kaalyado nina BBM at Inday Sara sa Kongreso ang magsusulong ng mga kinakailangang batas upang ma-institutionalize ang mga patakaran at programa na naaayon sa kanilang plataporma. Sa Senado, susuportahan sila ni Mark Villar, na tiyak na rin ang pagkapanalo bilang senador. Kabilang sa mga prayoridad ni Villar ay ang pagsasabatas ng “Build, Build, Build” upang ito ay maging institusyonal.
Ang resulta ng halalan na ito ay nagbibigay sa atin ng katiyakan ng isang matatag na pamahalaan na magsusulong sa bansa sa susunod na level of development.
Sa ngayon, ang ekonomiya ng ating bansa ay nasa kritikal na yugto dahil sa epekto ng COVID-19. Ngunit nakakakita tayo ng pag-asa na muli tayong makakabangon sa mas mabilis na panahon at mas magiging matatag ang ating ekonomiya sa ilalim ng Marcos-Duterte leadership.
Gaya nga ng sabi ni BBM, ang ating susunod na pangulo, sisiguraduhin niya na muling gaganda at aangat ang bansa at ipagmamalaki ng bawat mamamayan na sabihing, “Ako ay Pilipino, taas noo kahit kanino.”