Kung si Pangulong Duterte ang tatanungin, nais niya na palitan ni dating presidential spokesperson at senatorial aspirant Harry Roque si re-electionist senator at Philippine Red Cross (PRC) chairperson Richard Gordon sa Senado.

“I think you should really be in the Senate… Dapat 'yan kagaya nila Gordon, palitan mo na 'yan,” ani Duterte kay Roque sa President's Chatroom na inere sa state-run PTV-4.

Muling binatikos ni Duterte si Gordon dahil sa kanyang pagsisiyasat sa umano'y iregular na kontrata ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corp. para magbigay ng mga medical supplies sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic noong 2020.

Aniya, idiniin ni Gordon at ng iba pang mga senador ang kanyang mga opisyal ng Gabinete nang ilang oras, na para kay Duterte ay aksaya lamang ng oras na dapat sana ay ginamit sa trabaho.

Aniya, "The only thing really that I was not in agreement with them was tinatawag nila, nandiyan sa umaga, in the morning, and yet the whole day nakaupo sila doon, hindi sila tinatawag at all."

Samantala, inilarawan ni Roque ang pagsisiyasat na isinagawa ng Senate Blue Ribbon committee ni Gordon bilang "in aid of election."

"Wala naman silang kahit anong batas na binuo. Tapos hindi man lang nakakuha ng mayorya ng mga senador para pirmahan ‘yung report. So talagang wala pa pong report ‘yan," ani Roque.

Dagdag pa nito, “nakakahiya” umano para kay Gordon na gamitin ang PRC sa kanyang mga political advertisement.

Aniya, "Nakakahiya po na tayo lang ‘yung mayroong chairman na ginagamit ‘yung Red Cross sa advertisement niya sa eleksiyon."