Hinamon ni presidential aspirant Senador Manny Pacquiao si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa isang one-on-one debate, aniya baka "nahihiya" ito sa pagdalo sa isang debate na dinadaluhan ng marami.

Sa kanyang campaign activity sa Cavite nitong Lunes, sinabi ni Pacquiao sa mga mamamahayag na hinahamon niya si Marcos Jr., ang frontrunning presidential bet, sa isang debate para malaman ng mga tao ang kanilang mga plataporma.

"Sa akin kung gusto niya.. baka nahihiya siya sa maraming aattend. Okay sa akin magdebate kaming dalawa lang… kaming dalawa lang. Tingnan natin kung ano ang plataporma niya, kung ano ang plataporma ko," ani Pacquiao.

Nais ni Pacquiao na harapin si Marcos Jr. upang malaman kung mayroon siyang "mas mahusay na mga plataporma" kaysa sa kanya.

Ang mga pangunahin plataporma ng mambabatas ay ang libreng pabahay, mas maraming oportunidad sa trabaho at pagmumulan ng kita pati na rin ang pagpapalakas ng ekonomiya.

“Iyon ang importante," dagdag pa ni Pacquiao.

Sinabi din ng mambabatas na hindi siya matatakot na sagutin ang mga tanong sakaling harapin niya si Marcos Jr. dahil handa umano siya.

Tinanong kung paano kung tatanggihan ni Marcos Jr. ang kanyang hamon, “Karapatan niya iyon. Pero ang taumbayan na ang magiisip noon kung bakit siya tatanggi at bakit hindi niya sabihin ang plataporma niya."