Bahagyang tumaas ang ridership ng Philippine National Railways (PNR) kasunod nang pag-iral ng maluwag na COVID-19 restrictions at serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay PNR Spokesperson Atty. Celeste Lauta, mula sa dating daily passengers na 13,000 ay naging 18,000 na ito sa ngayon.
Gayunman, mas mababa pa rin aniya ito kumpara sa kanilang kapasidad na hanggang 65,000 pasahero.
“Hindi pa. Sustain pa din po tayo at 18,000 passengers. Tumaas naman po ng kaunti. Dati po 12,000, 13,000 ganyan,” aniya, nang matanong sa isang panayam sa radyo, kung nagkaroon na ba nang pagtaas sa kanilang daily ridership.
Inaasahan naman ni Lauta na sa sandaling tuluyan nang magbalik ang face-to-face classes ay madaragdagan pa ang kanilang mga pasahero dahil karamihan aniya ng kanilang mga pasahero ay mga estudyante.
Samantala, kinumpirma rin ni Lauta na nananatili pa rin ang pasahe ng PNR mula₱15 hanggang₱60.