Inanunsyo ng Malacañang ang release ng P3 bilyong halaga ng fuel subsidy sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) laan para sa mga public utility vehicle (PUV) driver, magsasaka, at mangingisda bilang tugon sa epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Inihayag ito ni Communication Undersecretary Kris Ablan sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo sa nakalipas na tatlong buwan.

Sa press briefing nitong Marso 11, sinabi ni Ablan na naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P2.5 bilyon para sa unang tranche ng Fuel Subsidy Program ng DOTR at P500 milyon para sa Fuel Discount Program ng DA.

Idinagdag ng acting presidential spokesman na ang pangalawang tranche ay ilalabas sa Abril 2022.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa parehong briefing, sinabi ni Budget Undersecretary at spokesman Rolando Toledo na 377,443 benepisyaryo ng Fuel Subsidy Program ng DOTr ang tatanggap ng P6,500 bawat isa.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga apektadong jeepney driver at driver ng UV Express, minibus, bus shuttle services, taxi, tricycle, transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxi, at delivery services.

Maaaring i-claim ng mga benepisyaryo ang kanilang tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga cash card mula sa Land Bank of the Philippines.

Sa fuel discount program ng DA, iginiit ni Toledo na ito ay para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mag-a-avail ng 30-percent discount mula sa mga kumpanya ng langis ng departamento ng agrikultura.

“Ang maximum amount po ng discount na pwedeng makuha ng benepisyaryo ay P3,000,” aniya.

“So ang cash po para dito ay magmumula sa Development Bank of the Philippines,” dagdag niya.

Argyll Cyrus Geducos