Ang karakter ni Vice President Leni Robredo bilang isang mabuting ina ay isang mahalagang elemento ng pagiging isang mabuting pinuno, ayon sa kanyang panganay na anak na si Aika.
“Sa tingin ko, malaking bahagi ng pagiging mabuting lider niya ang pagiging isang mabuting ina," ani Aika sa 1Sambayan forum.
"Madalas po kami tanungin, ano ba ‘yung difference ni Leni as a mother and Leni as a leader? Sa tingin ko po hindi mapaghihiwalay ‘yun," dagdag pa niya.
Ayon din sa panganay na anak ni Robredo, mayroon pa ring nakalaan na oras ang bise presidente sa kanila sa kabila ng busy schedule.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting pinuno na nagpapakita umano sa pinakamahirap na panahon. Binanggit ni Aika ang mabilis na pagtugon ng kanyang ina noong kasagsagan ng pandemya.
“Sinasabi namin na yung mga trolls lugi sa kanya dahil sa dami nang pinagdaanan niya sa buhay, hindi na siya naapektuhan," aniya.
"Binigyan siya ng iba-ibang assignments, pero walang ni isang beses na umatras siya sa hamon. Parati niya itong hinaharap nang buong tapang, nang buong-buo, na pinag-aaralan niya ang bawat sitwasyon at alam niya po na kailangan niya mag-step up every time," dagdag pa ni Aika.
Si Aika ngayon ang namumuno sa Jesse M. Robredo Foundation matapos pumanaw ang kanyang ama dahil sa airplane crash noong 2012.
Dagdag pa ni Aika, alam umano ni Robredo ang prayoridad nito bilang leader at bilang ina, "Malinaw yung priorities niya… Tingin ko po importante yun lalo na sa isang leader na alam mo kung kailan ka nasa background lang at alam mo kung kailan yung oras na kailangan ikaw naman yung nasa sentro."
Alexandria San Juan