Ang coronavirus disease (COVID-19) vaccines na Sputnik Light at Sinopharm ay pinapayagan na ngayong gamitin bilang mga booster shot, inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Ene. 28.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang dalawang vaccine brand na ito ay binigyan kamakailan ng emergency use authority bilang booster doses ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).

“Maaari ng iturok ang Sputnik Light bilang booster shot matapos ang primary series doses,” ani Vergeire sa isang Malacanang press briefing.

Ang Russian-made vaccine ay maaaring gamitin bilang booster shot para sa mga nakatanggap ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer, at Sinovac bilang kanilang pangunahing serye ng pagbabakuna. Gayunpaman, ang Sputnik Light bilang isang homologous shot ay hindi pa maaaring iimplementa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mga nasa hustong gulang na ganap na nabakunahan ng Sinopharm ng China ay maaari na ring mapaturok ng booster, sabi ni Vergeire.

“Individuals who received Sinopharm as their primary vaccination are now eligible recipients of booster shot,” aniya.

Ang mga nabakunahan ng nasabing China-made vaccine ay maaaring makatanggap ng Sinopharm, AstraZeneca, Moderna, at Pfizer para sa kanilang booster shot.

Samantala, sinabi ni Vergeire na ang Sputnik Light at Sinopharm ay hindi maaaring ibigay sa mga buntis at nagpapasusong ina.

“Nais po nating bigyan diin na hindi po pwedeng i-booster sa mga buntis at nagpapasusong ina ang Sinopharm at Gamaleya Sputnik,” Vergeire.

Muling hinimok ng tagapagsalita ng DOH ang lahat ng eligible na mga Pilipino na magpabakuna.

“Lahat ng bakunang ginagamit sa bansa ay sumailalim sa masusing pag-aaral. Lahat ito ay nabigyan ng emergency use authority at aprubado ng FDA. Makakaasa kayo na ang mga bakunang ito ay ligtas at epektibo laban sa COVID-19,” sabi ni Vergeire.

Analou de Vera