Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa mga barangay chairman na arestuhin ang mga hindi pa bakunado na nagpupumilit na lumabas ng kanilang bahay.

Sa kanyang public address nitong Martes ng gabi, inatasan din nito ang mga kapitan na higpitan ang galaw ng mga hindi pa fully-vaccinated sa kani-kanilang nasasakupan.

“Barangay captains, you’re put on notice and the order for you is to find out the persons who are not compliant with the laws, or their refusal to have the vaccines. You can actually prevent [them] from leaving the house,” aniya.

“If you force the issue, I said, because the barangay captain is a person of authority, he can place you under arrest and dalhin ka sa istasyon,” pagpapaliwanag ng Pangulo.

National

65% ng mga Pinoy, umaasang magiging masaya ang Pasko

Kung may pulis aniya sa lugar, maaaring makiusap ang mga kapitan na damputin ang mga hindi pa nababakunahang indibidwal na nagpupumilit na lumabas ng bahay.

“Pero 'pag walang pulis, as a person in authority you can now use reasonable force,” pag-oobliga pa ng Pangulo sa mga kapitan.

Muli rin itong nakiusap sa mga Pinoy na magpabakuna na dahil kung mahahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga ito ay hindi sila tutulungan ng gobyerno.

“Kung mamamatay ka, bahala ka sa sarili mo.Ngayon kung hihingi kayo ng tulong sa akin, sabihin ko hindi ako tutulong sa 'yo. Kasi hindi ka nagpabakuna. Kung nagpabakuna ka, wala na akong problema at saka wala ka ng problema,"babala ng punong ehekutibo.

Binigyang-diin muli ni Duterte na mas makabubuti pa ring panlaban sa COVID-19 ang pagpapabakuna.

Nitong Martes, Enero 4, aabot na sa 5,434 ang bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na naitatalang kaso sa nakalipas na dalawang buwan.

Raymund Antonio