Kahit si Navotas City Mayor Toby Tiangco ay nagpositibo na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanyang Facebook post nitong Linggo, aminado ang alkalde na madalas siyang sumailalim sa antigen test dahil sa kanyang severe asthma.
Nitong Sabado, Enero 1, ay nagnegatibo ito sa pagsusuri. Gayunman, nagpositibo ito sa sakit nang magpa-test ulit ito nitong Enero 2.
"Ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng aking nakaharap noong nakaraang mga araw at nakikiusap na obserbahan nang mabuti ang inyong kalusugan. Kung meron kayong nararamdamang kakaiba, sumangguni po agad sa doctor," pakiusap ni Tiangco.
Boluntaryong sasailalim sa 14-day isolation si Tiangco, Gayunman, nangakong tutuparin pa rin nito ang kanyang tungkulin bilang alkalde.