Nasa high risk classification na ngayon sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) matapos na tumaas pa ang reproduction number sa 4.05 at tumalon sa 28% ang positivity rate sa rehiyon.

Batay sa ulat ng OCTA Research Group, ang 4.05 na reproduction number sa rehiyon, o yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng sakit, ay ang naitalang pinakamataas simula noong Abril 1, 2020 pa. Indikasyon ito na bumibilis ang hawahan ng virus sa NCR.

Sa isang tweet, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na nasa 2,530 bagong kaso ng sakit ang naitala sa NCR noong New Year’s Day, na pinakamataas sa loob ng tatlong buwan o simula noong Oktubre 10, 2021.

Sinabi pa ni David na mula Disyembre 26, 2021 naman hanggang Enero 1, 2022, ang seven-day average ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay tumaas pa ng 969%o mula 90 lamang ay naging 962 na.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Batay pa rin sa pinakahuling update ng OCTA, ang daily positivity rate sa NCR ay tumaas pa sa 28.03%, mula sa dating 21% lamang.

“With the increase in positivity rate, NCR is now classified as high risk,” ani David, sa isang hiwalay na tweet.

Ayon kay David, ang seven-day average sa positivity rate ay tumaas ng 12.94% mula sa 1.15% lamang noong nakaraang linggo.

“Although there is an expected decrease in testing due to holidays, this is offset by the increase in positivity rate, which was at 21% just a day prior,” aniya.

Idinagdag pa ni David na ang bilang ng COVID-19 cases ay inaasahang manatili sa parehong range noong Enero 1, na may 2,500 to 3,000 bagong kaso sa NCR at 3,500 hanggang 4,000 cases naman sa buong bansa.

Sinabi pa ni David na umaasa silang makatutulong ang pagsasailalim muli sa NCR sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022 para mapigilan ang higit pang pagkalat ng bagong COVID-19 infections.

“Hopefully, the move to Alert Level 3 will help curb transmissions. As always, we hope everyone stays safe and healthy,” pahayag pa niya.

Mary Ann Santiago