Inanunsiyo ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nitong Sabado na siya ay magreretiro na sa pulitika. Nangangahulugan na hindi na siya tatakbo bilang kandidato ng PDP-Laban Cusi wing sa pagka-pangalawang pangulo.
Ginawa ni PRRD ang pahayag nang samahan niya si Senator Christopher "Bong" Go sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Sofitel Hotel, Pasay City sa pagka-pangalawang pangulo. Sa pagtalikod sa vice presidency, sinabi ni Duterte na nais niyang sundin ang "overwhelming sentiment of the Filipino people". Susuportahan na lang daw niya ang matapat na aide na si Go bilang vice presidential bet ng PDP-Laban.
Samantala, ilang minuto lang matapos ihayag ng kanyang ama na siya ay mamamahinga na sa pulitika, nagtungo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa Commission on Elections (Comelec) office sa lungsod para mag-file ng kandidatura (reelection) bilang alkalde.
Halos nakasabay sa paghahain ng kanyang reelection bid sa Davao City ang paghahain din ng COC ni Go bilang vice president sa Sofitel Plaza Hotel sa Pasay City. Gayunman, sinabi ng mga eksperto sa larangan ng pulitika na may panahon pa si Duterte-Carpio na iurong ang kanyang reelection bid para tumakbo sa pagka-pangulo dahil ang huling araw ng paghahain ng COC ay sa Oktubre 8 pa.
Maging si PRRD ay naghain ng kanyang reelection bilang Davao City Mayor noon, bago nangyari ang substitution o pagpapalit noong Nobyembre 2015 at siya'y tumakbo sa presidency na kanyang pinagwagian noong May 2016.
Si Duterte-Carpio ay nakatakdang mag-medical leave at lilipad umano sa Singapore sa Oktubre 5-8. Tumanggi si Inday Sara sa tanong ng media tungkol sa reaksyon sa pagreretiro ng ama sa pulitika at ang pagtakbo ni Go sa vice presidency. Sa pag-atras ni PRRD, puwede nang tumakbo si Inday Sara sa presidency dahil isa na lamang sa Duterte ang tatakbo sa pambansang posisyon.
Sa kabilang dako, isang co-convenor ng 1Sambayan ang nag-anunsyo na tinanggap ni Vice President Leni Robredo ang nominasyon ng koalisyon para maging kandidato sa pagka-pangulo sa May 2022 elections.
Wala pang opisyal na announcement na ipinalalabas ang Office of the Vice President (OVP), pero sinabi ni dating Education Secretary Bro. Armand Luistro, 1Sambayan convenor, na ihahayag ni VP Leni ang kanyang presidential bid bago dumating ang huling araw ng paghahain ng COC sa Oktubre 8.
Ayon kay Luistro, maghahain si Robredo ng COC sa panguluhan sa Oktubre 5, ang petsa rin nang maghain siya ng COC bilang vice president noong 2016 elections. Siya ay nanalo versus ex-Senator Bongbong Marcos.
Nang makausap ko ang dalawang kaibigan habang nagkakape sa Al Fresco, sinabi nilang may duda pa rin sila kung talagang tototohanin ni PRRD ang pagreretiro sa pulitika. Noon daw 2016 elections, matindi ang pagtanggi niyang kumandidato, pero sa bandang huli tumakbo siya at pinalitan si Martin Dino sa slot nito sa pagka-pangulo. Si Dino ngayon ay DILG Undersecretary for Barangay Affairs.
Mga kaibigan, ibig ba ninyong sabihin eh walang isang salita ang ating Pangulo?