Isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes, Setyembre 28, na patuloy ang pakikipag-usap nila kay television at radio personality Raffy Tulfo tungkol sa posibleng Senate run at pagsama umano nito sa kanilang slate para sa halalan 2022.

“We’re talking to Raffy Tulfo. We talked already, but ‘yon nga, may mga nire-resolve pang ibang minor issues, mga concerns niya," ani Lacson sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel.

Matatandaang sinabi ni Tulfo na hindi siya tatakbo bilang bise presidente sa susunod na taon dahil may respeto siya umano kay Pangulong Duterte. Nauna na ring naiulat na pinirmahan na ni Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban sa pagkabise-presidente.

Bukod kay Tulfo, sinabi ni Lacson na nakikipag-usap rin sila sa isa pang kaalyado ni Duterte na si dating agriculture secretary Emmanuel "Manny" Piñol, na may plano umanong tumakbo sa pagka-senador.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“He intimated his intention to also run for the Senate under our ticket,” aniya.

Kaugnay nito, ayon kay Lacson, magiging parte rin ng kanilang senatorial ticket si Senador JV Ejercito ng Nationalist People's Coalition (NPC). Matatandaang, inanunsyo ni Ejercito na tatakbo siyang muli sa pagka-senador noong Biyernes.

Maging sina Chiz Escudero at Loren Legarda ay kasama sa slate nina Lacson at Sotto.

Tatakbo si Lacson bilang presidente sa 2022 kasama si Senate President Vicente Sotto III bilang kanyang running mate sa pagka-bise presidente.

Vanne Elaine Terrazola