Kahit kailan, ang Pilipinas ay matulungin at mahabagin sa nangangailangang mga tao sa mundo na biktima ng giyera, karahasan at kalamidad.
Ito ay napatunayan na noong nakaraang mga taon nang tanggapin ni dating Pangulong Manuel Quezon ang mga biktima ng kalupitan ni Adolf Hitler na lipulin ang mga Hudyo, partikular ang mga mamamayan ng Israel.
Tinanggap nang buong puso ng Pilipinas ang nagsitakas at pinagmalupitang Israeli ng mga Nazi na nagluwal sa tinatawag na HOLOCAUST. Milyun-milyong Jews ang pinapatay ni Hitler.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. noong Miyerkules nang gabi ang pagdating ng unang bugso ng Afghan refugees sa ating bansa matapos manalo ang Taliban sa Afghanistan.
“We stay steady where others waver: tonight we welcome Afghan nationals including women and kids seeking refuge,” sabi ng Ingleserong si Locsin sa kanyang Tweet. Hindi binanggit ni Locsin kung ilan ang Afghan refugees na dumating sa Pilipinas.
Pinasalamatan niya sina Finance Secretary Carlos Dominguez III at ang kapatid na si Paul Dominguez sa pagdadala sa atensiyon ng Department of Foreign Affairs at Department of Justice ng isyu ng mga refugee mula sa Afghanistan.
"Bukas ang mga pintuan natin sa nagsisitakas sa digmaan, persekusyon, sexual abuse at kamatayan. Salamat Sonny at Paul Dominguez, Vince Dizon sa pagdadala sa ating atensiyon ng kalagayan ng mga refugees ” saad ni Locsin.
Niliinaw ni Locsin na tatanggap lang ang Pilipinas ng refugees alinsunod sa government-to-government basis at hindi tatanggap ng ano mang pakiusap sa asylum mula sa NGOs o iba pang non-state parties.Kaugnay nito, inulit ng United Nations High Commissioner for Refugees ang panawagan sa mga kalapit na bansa na panatilihing bukas ang mga hangganan o borders para sa nagsisitakas na refugees mula sa Afghanistan.
Ayon sa UN refugee agency, may 3.5 milyong tao ang na-displace sa Afghanistan, at marami sa kanila ang nais tumawid at magpunta sa ibang mga bansa, gaya ng Pakistan o Iran.