HINDI ako nagbibiro. Marahil, kung ako ay isa sa mga nanood sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang Miyerkules at narinig ko ang mga naging pagsagot – mas matuwid sigurong sabihin na pagsisinungaling – ni Health Secretary Francisco Duque III, hinggil sa umano'y nagaganap na pagnanakaw sa kaban ng bayan sa Department of Health (DOH) – siguradong ‘di ako makapagpipigil sa sarili at mapasisigaw ako ng: “Neknek! Lokohin mo lelong mong panot!”
Ang mga salitang ito kasi ang madalas kong marinig sa mga beteranong imbestigador na nakakasama ko noong ako’y isang fulltime na police reporter pa. Kapag todo ang pagsisinungaling ng ini-imbestigahan nilang suspek, ibinubulyaw nila ang naturang salita, na may kabuntot pang: “Taragis ka! Gusto mo pa yatang matubig para magsabi ng totoo eh!” Kaya matapos ang pampalundag na mga katagang ito – siguradong may “kakanta” na!
Ganyang din ang nabuong senaryo sa aking imahinasyon, nang mabasa ko ang balitang humarap si Secretary Duque sa imbestigasyong ipinatawag ng Senado nitong nakaraang Miyerkules. Dahil nga sa wala naman ako sa naturang hearing, naglaro sa aking isipan ang pagbubusisi na ginawa ng mga Senador -- na umaaktong animo mga imbestigador na pulis – sa pagtatanong sa pinuno ng DOH hinggil sa posibilidad na may malaking sindikado, na animo “Mafia”, sa likod ng umano'y nagaganap na anomalya sa paghahawak ng bilyones na pondo para sa naturang departamento.
Kaya naman lalong gumana ang aking imahinasyon, nang malaman ko na ang isa sa mga mambabatas na bumusisi kay Secretary Duque ay si Senator Panfilo Lacson, na isa ring beteranong operatiba at imbestigador, bago pa man nahirang na pinuno ng Philippine National Police (PNP) noong Estrada administration.
Nai-cover ko – bilang defense reporter ng Inquirer, ang makulay pero kontrobersyal na pamumuno ni Lacson bilang CPNP, at isa ako sa naging masugid na kritiko ng mga kapalpakan ng ilan niyang tauhan, na sa wari ko’y medyo nasilaw sa kanilang kapangyarihan, dahil sa nakuhang napakataas na rating ng buong organisasyon sa ilalim ng pamumuno ni “71”, ang codename ni Lacson noong siya ay nasa serbisyo pa. Sa kabuuan – wala na si Lacson sa serbisyo nang mapag-isip ko na napabango nga niya ang imahe ng PNP noong mga panahong iyon!
At dahil nga sa Senado ginanap ang hearing, naturalmente na malabong mangyari ang imbestigasyong ini-imagine ko. Pero ‘yun lang, tumakbo naman ito sa isang linyang inaasahan ko -- lumitaw kasi ang pagiging bihasang police investigator ni Senator Lacson sa pagbanggit niya sa parang may mala-Mafia na sindikadong namamayani sa DOH.
Hinamon ni Senador Lacson si Secretary Duque na putulin na ang pamamayagpag ng mala-sindikatong gawain sa DOH – isa na rito ang nakaugaliang labis-labis na pag-iimbak ng gamot – na binibili ng departamento kahit malapit na ang expiry date – kaya’t kadalasan ay nabubulok at nasisira lamang ang mga ito.
Sa naturang pagdinig, ibinunyag ni Lacson ang kanyang natuklasan na may tinatayang P2.736 bilyong halaga ng gamot – malaking kaibahan po ng bilyones sa milyones -- na nasira na o kaya nalalapit na sa pagkasira sa poder ng DOH, kung saan nasa P2.2 bilyon ay naitala noong 2019 lamang. Ani Lacson: "We wasted P2.736 billion in taxpayers' money. What’s the reason for this? Why are we overstocking? Why are we buying medicines near their expiration dates? What does this tell us? I’ve been an investigator all my life. To me, this indicates that there is probably a 'mafia' that is well-entrenched - can't be uprooted."
Dagdag pa ni Lacson: "Unless the leadership of the DOH will put his foot down and do something about this, we won't see the end of this overstocking of medicines."
Batay sa mga datos na nakuha ni Lacson sa Commission on Audit (COA), nasa P95,675,058.98 ang nasayang sa taong 2020; P2.2 bilyon noong 2019; P378,169,000 sa 2018; P7,031,542 noong 2017; P25,866,000 noong 2016; P18,394,000 noong 2015; P6,851,000 noong 2014 at P4,442,000 noong 2013.
Ani Lacson: “I think the better approach here is a thorough scrutiny of the unit under DOH that’s in charge of procuring drugs and medicines… It’s wastage of public funds.”
Ang worry ko naman dito ay ang patuloy na pagwawalang-bahala ni Duque sa malalang katiwalian sa kanyang departamento na tila ‘di nakikita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noon pa man kasing 2018, nang unang sumalang sa Commission on Appointments (CA) si Duque ay napag-usapan na ang katiwalian sa DOH at ipinangako niya na agad itong bibigyan ng solusyon – subalit hanggang sa ngayon, ang kanyang pangako ay patuloy na napapako!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]