Lubhang nakababahala nang talaga ang bigla at mabilis na pagdami ng kaso ng Covid-19 sa bansa, laluna sa Metro Manila o National Capital Region (NCR).

Ayon sa mga report, 54 na lugar, kabilang ang 11 sa NCR, ang isinailalim sa Alert Level ng Department of Health (DOH) bunsod ng pagsipa at pagdami ng kaso ng Covid-19 at iyong tinatawag na "high health care utilization rate" o HCUR.

Tinanong ako ng kaibigang kainuman sa kape (sa labas) kung ano ang ibig sabihin ng Alert Level 4 at HCUR. Batay sa nabasa ko, klasipikadong Alert Level 4 ang isang area o lugar kapag ang kaso ng Covid-19 ay mataas at patuloy sa pagtaas, at ang HCUR nito ay mahigit sa 70 porsiyento kahit walang presensiya ng Delta variant.

Sa press briefing ng DOH, sinabi ni UsecretaryMaria Rosario Vergeire (kung bigkasin ay Verheri), na ang 11 lugar sa NCR ay Las Pinas, Malabon, Makati, Marikina, Muntinlupa, Navotas, San Juan, Pateros, Quezon City, Taguig at Valenzuela.

Sa puntong ito, tinanong ako ng ex-GF kung kasama ang Pasig City. Sinabi kong hindi kabilang. Sabi ko sa kanya, relax ka lang tutal bakunado na tayo (two jabs) kaya kahit papaano bagamat tayo ay matatanda na, este senior na, iiwasan tayo ni Covid.

Idinagdag ni Vergeire na kabilang din sa data ang Zambales at Guimaras na dati ay nasa ilalim ng Alert Level 2 lang. Aniya, ang mga lugar sa Antique, Bohol, Zamboanga del Sur at North Cotabato ay sumipa rin mula sa Alert Level 3 at naging Alert Level 4.

Mga kababayan at kaibigan, habang sinusulat ko ito, tatlong araw na sa pagsirit ang bilang ng kaso ng pandemya. Dalawang araw na lampas sa 12,000 kaso at nitong Biyernes, biglang naging 13,177 ang bagong kaso kung kaya ang kabuuang bilang ay umabot sa 1,713,302.

-0-0-0-0

Pinalawig pa ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang travel ban hanggang sa katapusan ng buwang ito sa mga pasaherong papunta sa Pilipinas mula sa 10 bansa bilang bahagi ng border control measures laban sa mapanganib at higit na nakahahawang Delta variant.Kabilang sa bawal pumasok sa Pinas ay ang galing sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia. Exempted naman ang mga Pilipino na nag-avail sa repatriation program ng PH government o ng special flights.

Sa televised address ni Mano Digong noong nakaraang linggo, binanatan niya ang isang mayor sa Metro Manila na hindi umano marunong mag-organisa sa pagbabakuna sa kanyang constituents kung kaya nagkakagulo at kahit umuulan ay siksikan sa vaccination sites. Sino ka ba Mr. Mayor?

Dahil dito, inalisan niya ng poder ang nasabing Metro Manila mayor na mag-distribute ng mga ayuda sa mga taong apektado ng Enhanced Community Quarantine. Lumikot ang guniguni ng mga Pinoy at hinulaan nilang si Yorme (Manila Mayor Isko Moreno) ang pinatutungkulan ng Pangulo. Siya nga kaya ang alkaldeng ito na tinawag pa ni PRRD na isang "Call boy"?.