Umaasa ang Department of Education (DepEd) na mairerekonsidera ang pagsasagawa ng pilot face-to-face classes kahit may pandemya pa, kung ang mga guro at estudyante ay mababakunahan na laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) hanggang sa Agosto.

Idinahilan ni DepEd Secretary Leonor Briones,tiniyak na ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pipilitin ng gobyern na mabakunahan ang mga bata, gayundin ang mga guro sa Agosto kaya umaasa siyang maaari na ring mairekonsidera ang palagi nilang ipinapanukala na dry run ng face-to-face classes.

“Binigyan tayo ng assurance ni Secretary Galvez na susubukan nila by August, perhaps at the latest, kung ma-vaccinate ang ating kabataan at particular ages at saka ‘yung mga teacher.Pwede na sigurong i-consider ‘yung pino-propose namin lagi na i-pilot ang face-to-face at darating at darating ‘yung panahon na ‘yan,” sabi ng kalihim.

Gayunman, nilinaw nito na si si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang masusunod o magdedesisyon kung itutuloy na ang in-person classes.

Driver na nanagasa sa NAIA, laya na matapos makapagpiyansa

Habang wala pa aniyang desisyon ang Pangulo, mananatili pa rin ang paggamit ng DepEd ng blended learning para maipagpatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral habang may pandemya pa.

Inaasahan din namang maglalabas na ng desisyon si Duterte kung kailan magsisimula ang School Year 2021-2022.

Inirekomenda na ng DepEd ang mga petsang Agosto 23, Setyembre 6, at Setyembre 13 para sa pagbubukas ng klase.

Matatandaang matagal nang plano ng DepEd ang pagdaraos ng limitadong face-to-face classes sa ilang piling lugar na mababa ang panganib na magkaroon ng hawahan ng virus.

Sisimulan sana ito noong unang bahagi ng taon, gayunman, hindi ito pinahintulutan ni Duterte dahil sa pagsusulputan ng mga bagong variants ng COVID-19.

Mary Ann Santiago