VIRAC, Catanduanes— Nang sabihin ng 58-anyos na si Elena dela Rosa Satairapan ang kanyang pagnanais na makatapos ng kolehiyo, tinawanan lamang siya ng kanyang asawa.

“Bakit daw ako mag-eenrol, eh matanda na ako. Kaya ayaw niya. Pero hindi ako nagpa-pigil sa kanya. Tapos ‘yun, nalaman din niya pero wala na siyang nagawa. Tumawa na lang siya,” aniya.

Isa rin sa pagsubok ni Nanay Elena, kasama niya at ng kanyang asawa ang kanilang limang anak at 15 apo. Nakatira sila sa isang kubo sa Barangay Catagbacan, isang liblib na lugar sa San Andres, mula noong nasira ng super typhoon “Rolly” ang kanilang bahay noong Nobyembre.

Ngunit ang kanyang pagnanais na ituloy ang kanyang pangarap, nakatapos siya ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing Management sa Catanduanes, Colleges.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Natural na problema ni Nanay Elena at ng kanyang pamilya ang pera, ngunit ang kakayahang pagkasyahin ang perang meron sila ay nakatulong sa kanilang kahirapan.

“Nung hindi pa nagkakaroon ng pandemya, P70 ang aming pamasahe, back and forth na ‘yan. Nung nagka-COVID, P500 ang pamasahe, balikan na ‘yan,” kuwento niya.

Nakatulong kay Nanay Elena ang buwan-buwang natatanggap niyang P2,000 mula sa government scholars. Nagtitinda siya ng pagkain sa umaga bago mag-aral sa tanghali.

“’Yung ginagawa ko kasi nung first year ako, P12,000.00 ‘yung babayaran ko sa school. ‘Yung pang entrance, inutang ko muna ‘yun. Minsan pumupunta ako sa mga pulitiko para humingi ng pera, pumupunta ako sa DSWD para humingi ng educational assistance, kung saan-saan,” aniya

“Kung anuman po ang nakukuha ko, hinahati ko pa rin sa pamilya ko at pang-gastos sa eskwelahan. Minsan, wala akong pagkain pag pumasok sa eskwela. Tiyaga lang talaga. Malayo din kasi bahay namin sa school.” dagdag ni Nanay Elena.

Ipinatupad ang online class dahil sa pandemya, kaya naman naging mahirap ito kay Nanay Elena.

“Hindi ako puwede sa online kasi wala akong smartphone. De-pindot lang cellphone ko saka wala pang signal sa bahay. Kaya pinili ko, nag-module na lang. Kada katapusan ng linggo, pupunta ako sa bayan para i-submit ang module ko,” ayon kay Nanay Elena.

Matapos makamit ang pangarap na makapagtapos, handa na si Nanay Elena na maghanap ng trabaho.

“Opo, mag-apply po ako ng trabaho. Pero sabi ng asawa ko, dito lang daw sa Catanduanes. Kasi alam mo na, pag malayo, mamimiss ko siya,” aniya.

Luces Nino N.