May 17 milyong Pilipino umano ang dumaranas ngayon ng depresyon (depression) o tinatayang one-sixth (1/6) ng 110 milyong populasyon ng Pilipinas.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), sinabi ni Party-list Ang Probinsiyano Rep. Alfred delos Santos, isang mental health wellness advocate, ang pagkakaroon ng depresyon ng mga Pinoy ay lumabas sa pagdinig ng Kamara tungkol sa kalusugan ng mga mamamayan sa panahon ng pandemya.

"Hindi isang biro ang mental health," babala ni Delos Santos. Dahil daw sa kalagayang ito, dumarami ang nagpapatiwakal na kalalakihan, kababaihan at pati na mga bata.

***

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi nababahala si Senate Pres. Vicente "Tito" Sotto sakaling makalaban niya sa vice presidency si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kanyang kaibigan sa 2022 national elections. Hindi pa naman alam kung seryoso si PRRD na tatakbo sa vice presidency. Pag tumakbo siya, tiyak maghihinala ang mamamayan na kapit-tuko siya sa kapangyarihan.

May mga balitang plano ni Sotto na tumakbo katambal si Sen. Panfilo Lacson bilang standard bearer ng kanyang partido-pulitikal, ang Nationalist People's Coalition (NPC). Magpapasiya raw siya kung tatakbo sa Agosto o sa Setyembre. Ang paghahain ng certificate of candidacy ay sa Oktubre.

Sinabi ni Lacson na mas nakalalamang ang Duterte administration sa kampanyahan dahil sagana ito sa pondo o pera at resources para madomina at makontrol ang social media sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng tinatawag na "troll farms." Isa raw Undersecretary ng Duterte cabinet ang nasa likod ng "troll farms" na maghahasik ng mga fake news at disinformation sa social media. Sino ka?

Inihayag naman ni Sotto na ilang dating senador ang nagbabalak na muling tumakbo sa pagka-senador. Kabilang sa muling tatakbo, ani Sotto, ay sina ex-Sens. JV Ejercito, Loren Legarda, Gregorio Honasan at Bam Aquino. Maaaring sila ay makasama sa NPC senatorial slate o kaya naman ay susuportahan ng partido.

Nabalitaan na ba ninyong ipaaaresto at ipakukulong ni PRRD ang tumatangging magpabakuna? Layunin ng Pangulo na magpabakuna ang mga Pilipino para maiwasan ang hawahan at bumaba ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.

Sa puntong ito, nagsalita si DOJ Sec. Menardo Guevarra at nilinaw na walang batas na puwedeng pumilit sa isang tao na magpabakuna. Samakatwid, walang lalabaging batas kung ayaw magpabakuna. Ipinaliwanag ni Guevarra na bilang isang abogado batid ng Pangulo na hindi puwedeng arestuhin o ikulong ang ayaw magpabakuna.

Sa aking pananaw, higit na makabubuti sa ating mga kababayan na magpabakuna upang makaiwas sa Covid-19 na may iba't ibang variants, may banta man o wala si Pres. Rody.

Bert de Guzman