Arestado ang isang negosyante sa pagbebenta ng COVID-19 vaccination slots sa Maynila, kahapon.
Nagsagawa ng entrapment operation ang Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (SMART) nitong Hunyo 11 na nagresulta sa pagkakaaresto ni James T. Chua, 35, residente ng Bacoor, Cavite.
Bago ang pag-aresto, idinulog ng isang delivery at pick up rider, sa awtoridad na nag-picked up siya ng pera mula sa “remittances” sa ibang negosyo ni Chua sa ilang Chinese nationals na nakatira sa Binondo, Manila.
Kalaunan, natukoy na ang perang ipinadala ay bayad para sa vaccination slots na ibinibigay ng Manila Health Department (MHD).
Mahaharap ang 35-anyos na negosyante sa kaso ng paglabag sa Article 315 o False Pretense or Fraudulent Representation of the Revised Penal Code, at Manila City Ordinance 8740.
Ipinagbabawal sa ilalim ng ordinansa ang “any person, institution, corporation, group, or organization to engage in the sale, distribution, or administration of Covid-19 vaccines for gain, income, or profit, while the country is in a state of public health emergency and without full market authorization issued by the Food and Drug Administration.”
Nitong Mayo 24, nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang naturang ordinansa sa gitna ng mga balita ng “vaccine fee” scheme sa ilang lungsod sa Metro.