Happy and blessed si Joel Cruz na maging tatay sa kanyang walong anak.
Hindi na rin bago sa publiko na dumaan sa proseso ng surrogacy ang walong anak ng tinuguriang ‘Lord of Scents’.

Sa latest vlog ni Ogie Diaz, ibinahagi ni Joel Cruz ang kanyang journey sa pagiging isang ganap na tatay.
Bilang kaibigan, saksi si Ogie sa matagal nang pagnanais ni Joel na magkaroon ng sariling anak.
Bagamat, may adaption, aminado si Joel na hindi niya ito gusto.
“Alam mo okay ang adaption, pero ayoko talaga ng adaption gusto ko sariling anak, kaya pinilit ko, pero hindi ko naman kaya ng may babae, kaya naghanap ako ng surrogacy” saad nito.
Nasa 25 years ago na nang subukan ni Joel ang surrogacy sa Pilipinas sa tulong, aniya, ng isang Singaporean doctor, gayunman hindi naging successful ang pagtatangka ni Joel, bukod pa sa itinuturing itong ilegal sa bansa.
“We did try, unfortunately for 3 trials, tatlong surrogate Filipina mothers lahat yun unsuccessful, hindi kumapit sa kanila for 2 weeks, 15 days na inilagay sa kanila.”
Pero hindi nawalan ng pag-asa si Joel at nagdesisyon na subukan ito sa ibang bansa.
“Ten years ago, nag-decide na ako na huwag nang gawin sa Philippines, ayaw ata rito, saka yun nga bawal dito, ginawa ko na outside the Philippines, kung saan pwede, which is legal sa Russia (baby making).”
Sa Russia dumaan, aniya, ito sa mahabang proseso kasama ang mga interview.
“So sinabi ko, noon pa 25-30 years ago gusto kong magkaanak, unfortunately hindi mag-materialize, sinabi ko rin na marami akong pamangkin na inalagaan, minahal ko rin and I believe na kaya ko maging isang ama.”
Pagbabahagi pa ni Joel, umabot sa punto na umiiyak siya sa harap ng lawyer (sa Russia) dahil “gustong gusto ko na talaga magkaanak.”
Maging sa pagpili ng surrogate mother ay mahaba rin ang proseso niyang pinagdaanan.
“Bago ko siya napili, maraming mga pictures tapos nandoon yung mga history ng mga egg donors, background, age, characters nila, personality, medical history, kasi mahirap ding pumasa sa kanila e, kasi kung nagkaanak sila, normal delivery ba? ages 21-28 ang kinukuha nila para maganda yung reproductive system nila.”
Kuwento pa ni Joel, napili niya si Lilia dahil ito ang pinakamatangkad sa list, na 5'11 ang height.
“Maganda naman siya, parang Julia Roberts yung mukha niya, smart, meron siyang isang daughter.”
Thankful din si Joel kay Lilia, na siyang pinagmulan ng lahat ng egg cells ng kanyang mga anak.
“So everytime manganganak, nire-request ko siya, considering na she live 10-11 hours away from Moscow, so bumibiyahe pa siya, yun na iiwan nya yung anak niya, husband niya, nandun lagi yung willingness niya.”
Naging magkaibigan na umano sila ni Lilia, at hanggang ngayon ay nag-uusap pa rin sila. Sa katunayan nga bago magpandemic ay nakatakda sana itong bumisita sa Pilipinas.
Sa usapin ng gastos sa proseso ng surrogacy, aminado si Joel na malaking halaga ang kanyang nailaan dito. Sa walong anak niya, higit P50 milyon ang gastos dito ni Joel lalo na’t sa Russia ito ginawa.
“Well, yung unang set ko, kina Prince at Princess lahat-lahat nun kasama yung eroplano, hotel accommodation ko ro'n, lahat ng mga test, umabot ako ng 12 million pesos yun sa first set,” pagbabahagi ni Joel.
May personal rin, aniya, siyang ibinibigay na pera kay Lilia.
Sa kanyang ikalawa at ikatlong set ng kambal, inabot naman, aniya, ng 11 milyon ang gastos niya.
Habang sa ikapito at walo niyang anak na sina Zaid at Ziv, nasa 9 million each.
Sa kabila ng malaking halaga at mahabang proseso, happy si Joel sa kanyang walong anak.
“Masayang-masaya ako, being tatay sa walo kong anak,” say ni Joel.

“Lahat naman na-e-embrace ko lahat. Lahat nabibigyan ko talaga ng pagmamahal. Ramdam nila ‘yon na mahal na mahal ko sila.”
Dagdag pa niya, “Makita lang nila ako, magsisigawan yang mga yan, ng daddy daddy. That they we’re so excited na to see me, embrace me, magmano, yakapin ka, yung ganun.”
Hiling ngayon ni Joel na hindi mawala ang bonding na mayroon sila ngayon ng kanyang mga anak.
“Napakasarap sa pakiramdam n asana wag sanang mawawala yung ganitong pakiramdam, saka yung ganitong pagsasama namin, hanggang tumanda ako at tumanda na kami. Yung may magki-kiss sa iyo, may se-say ng I love you’re sa’yo. Yun ang mga prayers ko n asana tuturo ko sa kanila hanggag tumanda sila gawin nila sa akin yun.”