Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa posibleng pagkakaroon umano ng electronic vote buying sa nalalapit na 2022 general elections, lalo na ngayong halos cashless na ang lahat ng mga transaksiyon sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Reaksyon ito ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa naunang babala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na posibleng samantalahin ng mga kakandidato sa halalan ang paglaki ng digital platforms at e-wallets sa bansa upang makabili ng boto.
Ayon kay Jimenez, ayaw niyang maging ‘alarmist’ gayunman, sa tingin niya ay tama si Eleazar sa pahayag nito.
“Not to sound alarmist, but I think the general is correct. We've been saying that as much for the longest time. Ever since people started using e-wallets, we've seen that potential,” dagdag pa ni Jimenez.
“In fact, especially with the onset of the pandemic, we've seenthat majorityof transactions have actually moved into that regime, into online transactions. Obviously, that's keeping us up late at night,” aniya pa.
Sinabi naman ni Jimenez na sakaling magkaroon nga ng vote buying sa pamamagitan ng mga e-money transfers ay hindi ito kayang resolbahin ng Comelec at PNP lamang at dapat aniyang maging common effort ito ng lahat ng mga ahensiya na may kaugnayan dito.
Ang national and local elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa May 9, 2022.
Mary Ann Santiago