Ni Annie Abad

MARAMING atleta ang nabigyan ng pagkakataon na makapagsanay at makapaglingkod sa bayan. Ngunit, iilan lamang ang tunay na nagtagumpay hindi lamang sa sports na kinabilangan, bagkus sa pamumuhay, pagkakaroon ng integridad at makataong personalidad.

Hinubog ng sakripisyo at pangarap na maging isang kampeon, kabilang si Alyssa Valdez – ang mukha ng Philippine volleyball sa kasalukuyan – sa mabibilang na atleta na hindi tinalikuran ang pinagmulan at patuloy na iniaalay ang sarili upang makatulong sa kapwa at sa mga kabataan na nagsisimulang humabi ng pangarap na maging isa ring kampeon.

“Hindi ko po narating ang kinalalagyan ko kung hindi sa mga taong tumulong at gumabay sa akin, sa aking mga magulang, kaanak dating coach at mga naging kasama sa paligsahan,” pahayag ni Valdez, lumikha ng marka sa social media bilang isa sa pinakamaraming followers (3 milyon) sa Twitter at Instagram, sa labas ng showbiz at professional basketball.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nagpapasalamat po ako sa ating mga kababayan na talagang sumusuporta at sumusubaybay sa aking career sa volleyball. Anuman po ang narating ko, talagang bahagi ang mga tagahanga rito,” aniya.

Tunay na imahe ng pagpapakumbaba at taglay ang pusong kampeon ng 28-anyos na dating UAAP star at ngayo’y nangungunang player sa professional volleyball sa bansa.

At bilang pagbabalik tanaw ng loob sa sports na naging tungtungan niya sa tagumpay, nakikiisa si Alyssa sa iba’t ibang programa sa komunidad, higit sa panahon ng lockdown.

Sa nakalipas na mga taon, katuwang si Alyssa sa mga programa ng MILO para magabayan at maturuan ang kabataang Pinoy sa tamang pangangalaga at pagkakaroon ng malusog na pangangatawan, gayundin ang masimulan ang kanilang pangarap na matuto at mag-excell sa sports na kanilang nais.

“Bago pa man nag-pandemic, active na po tayo sa mga programa ng MILO para ma-inspired natin ang mga kabataan na ituon ang kanilang atensyon sa sports, kesya sa mga games sa gadgets. Nang magkaroon ng lockdown at quarantine dahil sa COVID-19 naging paraan ang online para mapagpatuloy natin ang pagtuturo sa mga bata,” pahayag ni Valdez.

Sa MILO Champion Habit, isa si Valdez sa mga sports ambassadors na may six-minute video para magbigay ng exercise program para sa mga elementary at high school students.

"The program focuses on developing speed, agility, strength and power. It's an exercise that can turn into a habit," pahayag ni Valdez.

"We're hoping for this pandemic to end so we can do this face-to-face with our young students," aniya,

Kabilang din si Alyssa sa MILO Interactive Online classes, gayundin sa inilunsad na kampanya na ‘Mula Noon, Hanggang Ngayon, Anuman ang Panahon, Tuloy ang Pagiging Champion’.

“Para sa mga tulad kong atleta, dapat talagang magbigay tayo ng ating panahon para makatulong sa iba at maturuan ang kabataan na ma-involed sa sports. Masaya ako na makitang maraming kabataan ang gustong maglaro ngayon ng volleyball,” ayon kay Valdez.

Iginiit ni Valdez na tunay na mahirap maging kampeon, ngunit higit na malaking hamon ang manatiling kampeon sa loob at labas ng Arena.