ni DAVE VERIDIANO
Sa bilyones na pondo na nakalaan para sa intelligence network ng ating pamahalaan, aba’y ‘di ko malaman kung ako’y maiinis o matatawa sa mga nagiging pagkilos ng karamihan sa mga operatibang tiktik (intelligence operatives) ng pulis at militar, na lantaran kung mangalap ng impormasyon na kalaunan’y nagiging “confidential” report na ang tono ay palaging positibo para sa panlasa ng kanilang mga bossing. Resulta -- palpak at bulilyaso na mga pagpapasiya!
Kadalasan tuloy – ito nama’y sa aking obserbasyon lang bilang isang mamamahayag na halos tatlong dekada rin na namuhay na kahalubilo ang ilan nilang matitinik na kasama -- mas reliable pa rin magpahanggang ngayon, ang nakakalap na impormasyon ng beterano at retiradong mga kaibigan kong mga operatiba at intelligence officer, kahit na “nakakulong” lang sila sa bahay dahil sa pandemiya, kung ihahambing sa resulta ng ilang mga nakaupo sa ngayon.
Sa tingin ko kasi, ‘yung na-established nilang “network” noong nasa aktibong serbisyo pa sila ay gumagana pa rin dahil naalagaan (properly supported) nila ang kanilang mga “alpha” (assets) nang husto. Kaya nga sa pamamagitan ng mga makabagong gadget -- gaya ng smart cellphone, laptop, modem at internet – nagagawa pa rin nilang mangalap ng impormasyon na nagiging makabuluhan at napapanahong “situation analysis” ng mga naglalakihang isyu sa kasalukuyan. Pero ang resulta ay pansarili lang nila, at kung minsan naman ay naibabahagi rin sa mga mausisang kaibigan na tulad ko.
At tila ito ang kulang sa intelligence network ng ating pamahalaan – proper training, lalo na sa pag-analyze ng impormasyon na hawak nila. Sabi nga ng isang kilala kong empleyado ng isang intelligence office: “Mag-aapat na taon na yatang walang compilation ng mga “intelligence briefing” ang aming opisina. Walang marunong gumawa o mga tinatamad lang, dahil kulang sa proper training ang mga baguhang operatiba o ‘di kaya naman ay walang “pang-gasolina!”
Kung napapansin n’yo, madalas naa-identify yung mga intel operative dahil lantaran silang kumilos sa ngayon. Sa wari ko nga, ang mga ito ay sunod at takbo lang sa utos ng kanilang mga opisyal, na tila mababaw rin o kulang sa karanasan sa larangan ng paniniktik, kaya’t parating bulilyaso ang trabaho ng kanilang mga tauhan! Nasa tamang liderato lang dapat ito, ‘di ba?
Gaya halimbawa nitong nangyari sa Community Pantry sa Maginhawa street sa Diliman, Quezon City. Akalain nyo ba namang may biglang nagsulputan na mga “intel operative” at pinagtatatanong ng walang kapararakang mga bagay ang taong nagpasimula nito, mga nagbibigay ng tulong, at mga kumukuha ng ayuda. Gusto kasi nilang palabasin na propaganda arm lang ito ng mga makakaliwang grupo.
Ayun, tuloy ay naging isyu na naman ito ng “Red Tagging”. Nagulo ang dapat sana’y proyektong nakatutulong sa mga nagdarahop na kababayan natin ngayong panahon ng pandemiya, na ‘di masyadong naaabot ng mga ahensiya ng ating pamahalaan, na sa wari ko’y “busy” dahil maraming pinagkakaabalahan na pagkakakitaan!
Violent reaction tuloy ng kaibigan kong beteranong tiktik: “Gusto nilang makakuha ng tamang impormasyon, ang dapat na ginawa dyan ay pinasukan ng ‘volunteer’ na magmamatyag muna kung may violation na nagaganap. Para naman ‘wag magulo o ma-disrupt ‘yung mabuting hangad ng proyekto. Sa ginawa nila tuloy – naputol ito at maraming tao na umaasa rito ang mas nagalit sa gobiyerno!” May tama ang katoto ko rito ‘di ba?
Marami pa kaming pinag-usapan at pinagtawanan na mga kapalpakan ng mga intel operative sa ngayon, pero ‘di ko na tatalakayin at baka masira ko lang ang araw n’yo.
Ang ‘di maalis sa isip ko sa mga naging topic namin, bago kami parehong nag-sign off sa pag-uusap sa Viber ay ang kuwento niyang ito: “Yun dating alaga kong ‘Alpha’ sa Quiapo, nagulat daw nang kelan lang ay magkakasunod na nagdatingan sa kanilang lugar ang ilang mga wanted, siga at kilalang rebelde na mula sa Mindanao. Nagtataka siya kung bakit at ano ang pakay ng mga ito. Pero mga tahimik naman daw at masipag maghanap-buhay. ‘Di rin daw nakikialam sa anumang gulo sa lugar.”
Ang medyo may kalalimang dagdag pa niya: “Parang napanood ko na ito noon eh, ‘di ko lang maalala kung anong pelikula…” Sabay tawa at sabi ng babayu!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]