ni BERT DE GUZMAN

Kung paniniwalaan ang survey ng Social Weather Stations (SWS), karamihan daw sa mga Pilipino ay nagsasabing mahalagang malaman nila ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) bilang lider ng bansa.

Batay sa pinalabas na survey ng SWS, may 65% ng 1,249 adult respondents ang nagpahayag na dapat malaman ng mga mamamayan ang kalagayan ng kalusugan ni Mano Digong samantalang ang 32% ay hindi naniniwala rito.

Siyanga pala, ang survey ay ginawa noon pang Setyembrer 17-20 noong nakaraang taon na ginamitan ng mobile phone at computer-assisted telephone. Ito ay may ±3% margin of error. Eh bakit noon pa palang 2020 ginawa ang panayam sa mga tao, eh bakit ngayon lang ito inilabas ng SWS? Bakit katagal?

Kung sisipating mabuti, ang 69 porsiyento na gustong malaman ang kalusugan ni PRRD ay mula sa Visayas, 65% mula sa Metro Manila at sa Balance Luzon at Mindanao ay parehong 64%. Samakatwid, nais ng mga residente ng naturang mga lugar na malaman ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo.

Kung sa bagay, lagi nang inihahayag ni Duterte, 76 anyos, na siya ay may ilang sakit o medical conditions sa halos limang taon niya sa Malacanang at Davao. Nitong 2020 hanggang ngayon, umigting ang pagnanais ng mga mamamayan na malaman ang tunay niyang kondisyon lalo na at ang bansa ay kasalukuyang sinasagasaan ng pandemya.

Sa nakaraang ilang araw, maraming netizen at mamamayan ang nagtatanong sa pamamagitan ng social media kung nasaan ang Pangulo matapos na hindi siya nakasipot nang dalawang beses na press briefing tungkol sa COVID-19.

Dahil sa duda ng mga tao na baka kung ano na ang nangyayari kay PRRD, ang matagal niyang aide na ngayon ay isa nang senador, si Sen. Bong Go, ay nagpakita ng mga larawan habang ang Pangulo ay nagdya-jogging o nakasakay sa motorsiklo sa loob ng bakuran ng Palasyo.

May mga hindi nasiyahan o bumilib sa ginawa nina Go at PRRD. Binira nila ang Pangulo kung bakit nagsasagawa siya ng gayong aktibidad gayong ang buong bansa ay nakikipaglaban sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga kaso ng Covid-19. Ayon sa mga kritiko, ang "patunay sa buhay" ay iba sa "patunay sa pagtatrabaho" ni Duterte.

Noong Setyembre, 2020, isang petisyon ang inihain sa Supreme Court para pilitin ang gobyerno na maglabas ng impormasyon tungkol sa kalusugan ni PRRD. Isang lawyer Dino de Leon, ang nagsabi na ito ay dapat ma-check kung angkop pa at malusog ang Presidente na pamunuan ang bansa sa gitna ng pandemic.

Ang petisyon ni De Leon ay ibinasura ng Korte Suprema sa botong13-2 . Sina Associate Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa, non-appointees ni Duterte, ay sumalungat sa desisyon ng SC.

Nitong Lunes, Abril 12, lumitaw ang Pangulo sa kanyang lingguhang ulat at sinabing siya ay buhay na buhay. Binanatan niya ang mga kritiko, lalo na si Sen. Leila de Lima, na nagnanais daw na siya ay mamatay na.