Nina ROY MABASA at FER TABOY
Naninindigan ang United States sa oldest treaty ally nito, ang Pilipinas, laban sa paggamit ng mga militia ng China para takutin, pukawin, at bantaan ang ibang mga bansa patungkol sa pagkakaroon ng higit sa 200 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) na nasa loob ng ang eksklusibong economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“We stand with the Philippines, our oldest treaty ally in Asia,” sinabi ng US Embassy sa Manila sa isang pahayag nang hingan ng komento sa huling panghihimasok ng mga Chinese sa West Philippine Sea.
Sinabi ng US Embassy na nakita nila ang mga ulat tungkol sa napakaraming bilang ng fishing vessels ng People’s Republic of China na nagtipun-tipon malapit sa Whitsun Reef dahil nabanggit ito sa panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na paalisin ang mga bangka gayundin ang diplomatikong protesta na inihain ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. noong Linggo ng gabi.
“We share the concerns of our Philippine allies. The PRC uses maritime militia to intimidate, provoke, and threaten other nations, which undermines peace and security in the region,” sinabi ng Embassy.
Idinagdag nito na ang mga bangkang Chinese ay nakaangkla sa loob at sa paligid ng Julian Felipe Reef “for many months in ever-increasing numbers, regardless of the weather.”
AFP nakabantay
Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt Gen. Cirilito Sobejana na nasa 183 Chinese Maritime Militia vessels ang nananatili pa rin hanggang sa ngayon sa Julian Felipe Reef batay sa isinagawang maritime patrol ng Philippine Air Force Aircraft kahapon.
Itoy sa kabila ng inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) at hiling ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na umalis na sa lugar na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at nilalabag ang maritime rights ng bansa.
Sinabi ni Sobejana na hindi nila hahayaan na salakayin ang teritoryo ng bansa at mandato nilang protektahan ito.
”One PAF aircraft was dispatched this morning to conduct MARPAT (maritime patrol) at West Philippine Sea. There were around 183 CMM vessels sighted,” sabi ni Sobejana sa isang panayam. Ayon pa sa AFP chief of staff may sapat na kakayahan ang militar para tuparin ang kanilang misyon lalo na mga nais sakupin at salakayin ang teritoryo ng Pilipinas. Sinabi ni Sobejana nakikipag-ugnayan na sila sa National Task Force West Philippine Sea at kasalukuyang nagsasagawa ng joint assessment para makabuo ng desisyon para tugunan ang ginawang pagsalakay ng mga Chinese Maritime Militia vessels sa Julian Felipe Reef. ”With the AFP’s unequivocal stand, we will oppose any act of incursions in our territory. We have our mandate and are capable to perform missions. On the other hand, the NTF WPS takes into account other considerations. “Jointly, we will assess and decide what is the best course of action to take,” dagdag pa ni Sobejana. Ayon kay Sobejana, sa ngayon mahigpit nilang imomonitor ang aktibidad ng mga nasabing Chinese vessels sa lugar. Siniguro pa ni Sobejana na!magpapatuloy ang kanilang maritime patrol sa area para ma-check kung nabawasan o nadagdagan ang mga barko sa lugar. Isang fixed wing surveillance aircraft ang pinadala ng Western Command sa area para magsagawa ng validation report.
Umalis bandang 8:40 ng umaga kamakalawa sa Wescom ang nasabing aircraft at natapos ang misyon bandang 11:00 na ng tanghali. Magugunita na noong Marso 7, nasa 220 Chinese vessels ang namataan sa lugar. At kahapon, batay sa isinagawang maritime patrol nabawasan na ang mga barko at nasa 183 pa rin ang nananatili sa lugar. Itinanggi na ng Chinese Embassy dito sa Pilipinas ang presensiya ng mga Chinese vessels sa reef na kanilang pinangalangan na Niu’e Jiao na indikasyon na kanilang inaangkin ang nasabing lugar.