ni Marivic Awitan
APAT na ang mga Filipinong boksingero na sasabak sa darating na Tokyo Olympics.
Nagpadala ang International Olympic Committee Boxing Task Force (IOC-BTF) sa Philippine Olympic Committee (POC) ng confirmatory notices of qualification para sa apat na mga Filipino boxers.
Ang apat na mga boksingerong tinutukoy ay sina Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
Kasunod nina Marcial at Magno na nag-qualify sa ginanap na Asian- Oceanian Olympic Qualifiers sa Amman, Jordan noong Marso 2020, nag-qualify din sina Petecio at Paalam dahil sa taglay nilang highest standing sa kani-kanilang weight categories ayon sa Boxing Task Force rankings.
Si Marcial ay sasabak sa men’s middleweight class (75 kg), si Magno ay makikipagsapalaran sa women’s flyweight (52 kg), habang lalaban naman si Petecio sa women’s featherweight (57 kg) at si Paalam naman ay sasalang sa men’s flyweight (52kg).
Labis namang ikinatuwa ni Association of Boxing Alliances in the Philippines president Ricky Vargas ang nasabing kaganapan at hiniling sa sambayanang Filipino ang suporta sa gagawing kampanya ng ating apat na boxers.
“ Let us all get together and focus on the challenges ahead not only of our boxers but all Filipino athletes. Now, more than ever, they need us to stand firmly behind them”, pahayag ni Vargas