ni Annie Abad
WALANG dapat ipagamba ang atletang Pinoy, higit yaong kabilang sa Philippine Team na sasabak sa Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre.
Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at SEAG bound PH Team Chief of Mission Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, na personal na ipinarating ni Go ang katiyakan na maibibigay ang pangangailangan ng mga atleta para sa kanilang pagsasanay sa biennial meet kung saan defending overall champion ang Pilipinas.
“Senator (Bong) Go asked the PSC training budget for the SEAG delegation and promised to personally request the Department of Budget (DBM) to fast track the release,” pahayag ni Fernandez.
Sinabi ni Fernandez na masinsin ang koordinasyon ni Go, Chairman ng Senate Committee on Youth and Sports, sa PSC kung kaya’t naibibigay nila ang ‘update’ hingil sa paghahanda ng Philippine Team.
Iginiit din ni Fernandez na umayuda rin si Go sa kahilingan ng PSC para payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maibalik sa pangangasiwa ng ahensiya ang Rizal Memorial Sports Complex, gayundin ang Philsports sa Pasig City.
“Kung wala ang budget from DBM mahihirapan tayo sa bubble training. Medyo maliit ang budget natin sa National Sports Development Fund (NSDF) dahil lumiit ang remittance sa atin dahil apektado rin ng COVID-19 ang programa ng PAGCOR,” sambit ni Fernandez.
Samantala, inaprubahan ng PSC ang line-up ng mga atleta na isasabak sa SEAG. Isinumite ni POC president Bambol Tolentino ang talaan ng mga atleta na umabot sa 626 para sa 39 ng kabuuang 40 sports na paglalaban sa biennial meet