ni Ric Valmonte
Pinaiikotna si Sen. Manny Pacquiao kasabay ng pinaiikot na resolusyon ng mga taga PDP-LABAN na naghihikayat kay Pangulong Duterte na tumakbo muli bilang pangalawang pangulo ng bansa sa darating na halalan. Kasi, sa likod niya pinadaan ang paglikha ng resolusyon gayong siya ang acting president ng partido. Ang naglilibot ngayon para mangalap pa ng mga lagda upang magkangipin ang resolusyon sa loob ng partido ay si Energy Sec. Alfonso Cusi na siya naman ang vice-chair nito. Nagalit ang Senador dahil bukod sa siya ay binalewala, ang animo’y iniendorso ng Pangulo para maging kandidato ng partido sa pagkapangulo ay si Sen. Bong Go. Kahit hindi alam ni Pacquiao ang hinggil sa resolusyon kung siya naman ang binanggit ni Pangulong Duterte na kandidato sa pagkapangulo ng partido, kahit hindi niya alam, sasangayunan na niya ito. Ang problema, ibang klaseng tao si Pangulong Digong. Burado siya sa political agenda nito. Dapat alam na niya na tusong pulitiko ito. Malapit at malayo siya sa iyo. Kapag makasusulong sa kanyang sariling kapakanan, malapit siya sa iyo. Pero, kapag ang sa iyo na, nakadistansiya na siya sa iyo. Nalalagay ka pa sa panganib.
Ganito ang nangyari sa mga militante at progresibong grupo. Noong kandidato siya sa panguluhan, sinuportahan siya ng mga ito. Ang akala ng mga ito, dahil malapit noon sa kanila si Pangulong Duterte nang hindi pa ito Pangulo, magiging malapit na rin ito sa kanila kapag ito ay nagwagi na. Bilang pagkonsuelo sa kanila nang ito ay manalo, ang ilan sa mga ito ay hinirang niyang kasapi ng kanyang Gabinete. Sandali lamang silang nanungkulan. Hindi na bale dahil pangkaraniwang kalakaran ito sa pulitika. Kapag ayaw na sa pagmumukha mo ang humirang sa iyo, lahat ng paraan ay gagawin niya at magagawa niya para patalsikin ka. Kaya lang, hindi gaanong nagingat ang mga militante at progresibong grupo sa pakikitungo nila kay Pangulong Digong. Kumpiyansa silang ibinilad ang kanilang mga sarili sa kanya. Kaya, nang pairalin na ng Pangulo ang kanyang programang wakasan ang komunismo at terorista sa nalalabing panahon ng kanyang termino, trinato silang ganito at alam niya kung sino at nasaan sila. Nangyari mapatahimik at mabawasan ang militanteng oposisyon.
Sa ginawa ng mga mataas na pinuno ng PDP-LABAN kay Sen. Pacquiao, kahit siya ang acting president nito, dapat maintindihan na niya na walang puwang sa partidong ito ang kanyang pinapangarap. Ayan na nga at pinalulutang nila ang Sara Duterte – Duterte at Go – Duterte. Sumanib na siya sa oposisyon at gayahin muna si dating Pangulong Erap na kumandidato muna na pangalawang pangulo ni yumaong Danding Cojuangco bago tuluyang kumandidato sa pagkapangulo. Maganda ang laban kapag Digong Duterte vs. Manny Pacquiao.