ni Ric Valmonte
“SABIHIN na natin na tumataas ang bilang ng mga kaso, pero makikita natin na nakahanda tayo na gamutin iyong mga nagkakasakit ng malala na 2 o 3 porsyento lamang ng mga ito. Sa totoo lang, hindi na natin kaya ang lockdown, marami na ang nagugutom. Kaya, ang pakiusap namin ay pangalagaan natin ang ating mga sarili para kumita tayo,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Ang tinutukoy ni Roque ay ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19. Dahil sa kung anu-anong variant ng sakit ang nakapasok sa bansa, mabilis na makahawa ito. Ang naiiulat ng mga nagkakasakit nagyon ay higit na mas marami na kaysa mga nakaraan. Hindi na nga makontrol dahil sa masyado nang naiinip ang mamamayan, kahit mapanganib sa kanilang kalusugan, lumalabas na sila at binabalewala na ang mga protocol. Lalo na ngayon na may bakuna na, pero namamatay na at nababaliw sa gutom.
Kahit nag-aatubili ang gobyerno na dumakong muli sa remedyo ng lockdown, may mga bahagi ng bansa na ginagamit na naman ito bagamat sa limitadong lugar at panahon. Pero, nagagalit na ang mga taong naapektuhan nito. Galit na ang mamamayan sa patuloy nilang pagsunod sa mga health protocol lalo na iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lugar pinatutupad ang mga ito. Pinaiiwas nga sila sa sakit, pinabibigat naman ang kanilang pamumuhay. Ang napakalaking problema ay ang kabagalan ng gobyerno sa pagpapairal ng vaccine program nito. Kasi, umaasa ito sa mga ibibigay na bakuna ng ibang bansa lalo na ng China. Kaya, ang buhay ng sambayanan ay nakasandig sa donasyon, sa kabila ng sainasabi ng Pangulo na mayroon itong pambayad. Aanhin ba ang perang ito?
Tama si Albay Rep. Joey Salceda. Mayroon naman pera, aniya, bumili na ang gobyerno ng bakuna. Hinikayat niya ito na huwag umaasa sa donasyon lang. “Dapat maging higit na ambisyoso ang programa sa pagbabakuna. Makipag-bidding tayo para sa bakuna dahil mayroon naman tayong pera. Habang ang mga tao ay nakalabas at bumibilis ang pagkita, epektibo nating masusuportahan ang ekonomiya sa paggastos ng gobyerno. Ganyan nagbibigay ng matatag na hanapbuhay. Ibalik natin ang operasyon ng transportasyon. Hindi magkakaroon ng paglago ang sektor ng manufacturing at industrial nang walang maasahang public at mass transportation,” wika ni Rep. Salceda. Ikinatutuwa ko, aniya, ang sinabi ni czar vaccine Carlito Galvez na ang Pilipinas ay payag magbayad ng mahal para maagang makakuha na bakuna. Pero, noon pa sinasabi na ito ni Galvez. Maaga pa lang ay pinaasa na ang mamamayan na kung anu-anong bakuna ang makukuha ng bansa. Kung hindi nag-imbestiga ang Senado para malaman ang tunay na kalagayan ng programa ng gobyerno at mga hakbang na ginagawa nito sa paglaban sa pandemya, hindi pa natin malalaman na wala pa palang nilalagdaang kontrata ang bansa para makabili ng bakuna. Hanggang sa dumating na ang donasyon ng China na Sinovac. Ipinagmalaki pa ng Pangulo na mayroon pang darating na donasyon ang China. Malayo na ang narrating ng mga ibang bansa sa kanilang vaccine program, lockdown pa rin ang ating remedyo. Naghihintay pa tayo ng donasyon at awa ng mga ibang bansa.