KUMPLETO na ang koponan ng PLDT Home Fibr matapos kunin ang beteranong setter na si Rhea Dimaculangan bilang pinakahuling recruit nila para sa darating na volleyball season.
Kinuha ng Power Hitters si Dimaculangan para maging pangunahing setter ng koponan sa kanilang pagkampanya sa unang professional season ng Premier Volleyball League, na planong simulan sa Abril o Mayo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Inaasahan ni PLDT head coach Roger Gorayeb na di na siya mahihirapan kay Dimaculangan dahil dati na nya itong naging player sa national team at
sa Sandugo-San Sebastian na nagkampeon sa 2012 V-League Open Conference.
"Kilala ko na si Rhea at sanay na rin siya sa akin," ani Gorayeb.
Naglaro din si Dimaculangan sa Foton, Petron at Generika-Ayala sa Philippine Superliga (PSL). Ang dating University of Santo Tomas (UST) star ay nagwaging PSL Best Setter award ng tatlong beses at Most Valuable Player sa 2018 PSL All-Filipino Conference.
Makakasama nya ang mga dating teammates sa Generika na sina Eli Soyud, Chin Basas at Yeye Gabarda; San Beda hitter Nieza Viray at mga dating UP standouts na sina Isa Molde at Marist Layug bilang mga recruits ng PLDT sa off-season.
Sila ang makakatuwang ng mga holdovers mula noong nakaraang taong team na sina Shola Alvarez, Jorelle Singh, Aiko Urdas, Joyce Sta. Rita, Vira Guillema, Kath Villegas at Alyssa Eroa. Marivic Awitan