Dahil sa brutal na pagpatay ng isang pulis sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo, muling sumulpot ang mga panukalang ibalik ang death penalty sa Pilipinas.
Magkakaiba ang opinyon at pananaw ng mga kongresista sa isyung ito at sila ay nagkakasalungatan.
Pinangunahan ni Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House dangerous drugs committee, ang mga proponent sa pagbabalik ng parusang kamatayan samantalang nangunguna si Albay Rep. Edcel Lagman sa pagkontra rito.
Kasama ni Lagman ang mga kasapi ng Makabayan bloc sa pagsalungat sa death penalty. Sila ay sina Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.
Ang argumento at isyu sa revival ng death penalty ay bunsod ng galit ng mga mamamayan sa harapang pagbaril at pagpatay ni Master Sgt. Jonel Nuexca sa mag-inang Sonya Gregorio at Frank Anthony sa Paniqui, Tarlac.
Sa interview via Zoom, sinabi ni Barbers na umaasa silang ang panukala napagtibay na noong 17th Congress, ay magiging batas ngayong 18th Congress. “I filed the same bill reviving death penalty on heinous crimes. But we had a problem because some of the members of the House and the Senate wanted imposition only on drug related offenses,” sabi nito.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsusulong na maibalik ang capital punishment, hindi lang para sa drug traffickers kundi maging sa iba pang heinous criminals, ayon pa kay Barbers.
-Bert de Guzman