IBA talaga tayong mga Pinoy. Kahit nakalubog na ang buong bansa sa delubyong dulot ng pandemiyang COVID-19 ay unti-unti na itong natatabunan nang mga usapin kaugnay ng susunod na eleksyon. Kapansin-pansin na ang mga gustong umupo bilang pangulo ay pumupustura at nagpaparamdam na, gayung halos 10 buwan pa bago ang filing ng Certificates of Candidacy sa Oktubre 2021, at 17 buwan naman para sa susunod na presidential election sa Mayo 2022.
Yung iba pa nga na nasa poder, at tila may ambisyong tumakbo sa paparating na halalan, sinasamantala ang pandemiyang COVID-19 upang pagkakitaan ng bilyones, na gagamiting “campaign funds” bilang suporta sa kanilang patron na pulitiko o ‘di kaya naman ay sa kanila mismong pagkandidato.
Makisali kaya muna tayo sa kaguluhang ito, pampaalis stress sa problema natin sa COVID-19 na ayon sa mga eksperto ay unti-unting tumataas na naman ang bilang, dala ng mga ‘di-mapigilang kasayahan sa mga pagtitipon ngayong Kapaskuhan.
Kamakailan lang, marahil ay na-monitor n’yo sa social media ang nag-viral na posting ng artikulo sa BizNews Magazine na pinangalanan ang siyam na pulitiko at prominenteng mga Pinoy na nagpaparamdam o itinutulak ng kani-kanilang mga supporter na tumakbo sa May 2022 election.
Kabilang dito ang mga senador na sina Ping Lacson, Grace Poe, Manny Pacquiao, Bong Go, at Cynthia Villar; Davao City Mayor Sara Duterte; Vice President Leni Robredo; dating senador Ferdinand Marcos, Jr; at isang prominenteng negosyante, ang Pangulo at COO ng San Miguel Corporation, si Ramon See Ang, na mas kilala sa tawag na RSA.
Ang sa akin lang, halos lahat sila – maliban kay RSA na isang negosyante at walang pakialam sa pulitika -- ay subok na ng sambayanang Pilipino. ‘Di ko na dapat isa-isahin pa ang nagawa nila para sa bayan, lalo na sa gitna ng magkakasunod na pananalasa ng mga kalamidad at itong sobrang makamandag na COVID-19 na nagpadapa sa ekonomiya ng buong mundo. Kayo na ang humusga sa kanila.
Sa kanilang siyam, ang hinangaan kong paggalaw – na sa paniniwala ko’y wala pang bahid pulitika – ay ang pagpapakawala ni RSA ng isang bilyong piso mula sa kanyang negosyong pribado, para makatulong na maibsan na ang pagbaha sa mga lugar sa Luzon, na sinalanta ng magkakasunod na bagyo. Pondo para sa dredging ng dalawang makasaysayang ilog na pinababaw ng kasakiman ng mga negosyanteng walang galang sa Inang Kalikasan.
Ang malaking halagang ito ay bukod pa sa mahigit na P13 bilyon na naipamahagi sa publiko at gobiyerno bilang tulong sa mga kababayan natin sa panahon ng pandemiya. Kasama rito ang food packs, nutria-buns, medical equipment at supplies, blood donation drive, at pagtatayo ng testing booths. Ipinagdiinan pa nga ni RSA sa isang interview na: “For as long as there’s a pandemic and, we will not stop looking for ways that San Miguel can help out.”
Ang pagiging pilantropo ni RSA ay lalo pang nakita ng mga kababayan nating naging biktima ng mga pagbaha, nang “bumaha” naman ng food donation mula sa SMC sa mga bayan ng Cagayan, Isabela, Bulacan, Pangasinan, Pampanga, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Batangas, Laguna, Quezon, Rizal, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Albay, at Romblon.
Oh di ba – dapat ganyan ang attitude ng mga bigtime na negosyante hindi puro pakabig lang sa mga customer nila.
Si RSA ay isang Mechanical Engineer at sa istilo ng kanyang pamamalakad bilang isang inhenyero lumaki at lalong umasenso ang SMC lalo na sa mga investment project nito.
Nga pala, si dating Pangulong Fidel V. Ramos ay isang Civil Engineer -- oh ‘di ba ang pamamahala ni FVR ay: “remembered for steadfastly promoting the principles of people empowerment and global competitiveness. In 1993, he puts an end to the power crisis that crippled Filipino homes and industries for two years.”
Bigla tuloy akong nakaramdam nang pagmamalaki -- naalala ko kasi na Electrical Engineer din nga pala ako na nagbabalakayo lang daw na journalist!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.