SA patuloy na pananalasa ng pandemya sa holiday season, isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang nagpaalala sa mga Pilipino na patuloy na sundin ang minimum public health standards.
“Nais natin lahat ang ligtas na Pasko para sa ating mga pamilya, and this can only be achieved if everyone is aware of the importance of following the basic health protocols,” pahayag ni DoH Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Martes.
Mula nang ipatupad ang quarantine retrictions noong Marso, paulit-ulit na ipinaaalala ng mga health officials na may responsibilidad sang bawat isa sa pagtulong na mahinto ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards na napatunayang mabisa sa mga isinagawang pag-aaral.
Giit ni Vergeire, kailangan itong mahigpit na sundin ng mga tao sa pagdiriwang ng Pasko kasama ang pamilya at mga kaibigan sa tinatawag na new normal.
Nakikitang ang mga pagtitipon ngayong Pasko bilang superspreader events na maaaring magpasiklab ng panibagong bugso ng COVID-19 infection.
Habang papalapit ang Kapaskuhan, muling pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na magsuot ng face mask at face shield, iwasan ang mga enclosed spaces, panatilihin ang distasya sa iba, at umiwas sa mga mataong lugar.
Hinikayat din niya ang publiko na umiwas sa pagpunta sa mga indoor venues at mga kuwarto na may mahinang bentilasyon.
“New cases are increasing. With the trend we are seeing now, anticipated surge is no longer a matter of ‘if’, but of ‘when’ and ‘how much’,” aniya.
Ngunit sa kabila ng pagtaas ng mga bagong kaso, ibinahagi rin ni Vergeire ang tagumpay sa nakalipas na mga linggo, tulad ng pagbaba ng growth rates, attack rates, transmission rates, at positivity rate.
Nananatili ring nasa low risk ang critical care utilization kahit pa sa National Capital Region habang mababa rin ang case fatality rate dahil sa mas maayos na mapapahala ng mga kaso.
Ang mga tagumpay na ito, aniya, ay hindi dapat lumikha ng pagkakampante, lalo na sa bagong trend ng tumataas na kaso.
Habang nitong Martes, umabot na ang bansa sa kabuuang kaso ng Covid-19 na 451,839; recovered cases, 418,867; at deaths, 8,812.
PNA