AARANGKADA sa ikapitong pagkakataon sa Disyembre 20 ang kapana-panabik at pinakaa-abangang PASAY ‘The Travel City’ Racing Festival.

Ang taunang pakarera na hatid ng pangunahing “tourism gateway” ng Pilipinas ay muling gaganapin sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.

Ang buong araw na horseracing festival na ito ay may apat na major races kabilang ang 7th PASAY ‘The Travel City’ Cup na nilalahukan ng imported at local entries. Nanalo rito noong isang taon ang local runner na Summer Romance na pag-aari ni Atty. Narciso Morales.

Ang tatlo pang major races dito ay ang 7th PASAY City Representative Tony Calixto Cup, ang 7th PASAY City Mayor Emi Calixto-Rubiano Cup, at ang 6th PASAY City Former OIC Mayor Eduardo ‘Duay’ Calixto Memorial Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bukod sa apat na major races ay itatampok din sa naturang racing festival na bahagi na ng founding anniversary ng Pasay City ang 11 iba pang Trophy Races kung saan aabot sa mahigit P2 milyon ang kabuuang papremyo ng racing festival.

Tinitiyak naman ng host Metro Manila Turf Club na maipapatupad nito ang mga kaukulang “health protocol” na alinsunod sa patakaran ng gobyerno.

Kaagapay ng Pasay City at Metro Manila Turf Club sa pagtaguyod ng 7th PASAY ‘The Travel City’ Racing Festival ang SM Development Corporation, Resorts World Manila, Pagcor, Double Dragon, Century Peak, at Boysen.

Nagwagi sa kauna-unahang PASAY ‘The Travel City’ Cup noong 2014 ang local-born runner na La Peregrina na pag-aari ng Jade Bros Farm of Manny Santos at sinakyan ni  Chris Garganta.

Ang sumunod na apat na nanalo sa karerang ito ay pawang mga imported na kabayo.  Ito ay sina  Silver Sword (jockey John Paolo Guce – owner HF Gianan Jr.) noong 2015; Sakima (jockey John Alvin Guce – owner SC Stockfarm) noong 2016;  Atomicseventynine (jockey Rodeo Fernandez – owner Joseph Dyhengco) noong 2017; at  Tin Drum (jockey Rodeo Fernandez – owner Cool Summer Farm) noong 2017. Ang hinete naman ng 2018 winner na Summer Romance ay si Jesse Guce.