Dahil sa napakalaking pinsala ang nagawa ng tatlong magkakasunod na bagyo na nanalasa sa bansa, inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa state of calamity. Ang Luzon kasi ang pinagtulungang hagupitin ng mga bagyo na ang maraming bahagi nito ay iniwanan nila ng mataas na tubig-baha at putik, wasak na mga bahay at ari-arian at mahigit na 60 patay. Kaya, mag-iisyu ang Pangulo ng executive order na lumilikha ng “Build Back Better” Task Force. Noong una ay kanyang hinirang si Executive Secretary Salvador Medialdea ang mamumuno nito, pero ngayon ay sina Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Department of Environment and Natural Resources Roy Cimatu. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi sapat para magremedyo ang national disaster management council. “Sa palagay ko kinakailangan na ang task force dahil sa magkakasunod na kalamidad. Ang nais ng Pangulo ay mapabilis ang pagdadala ng tulong sa mga tao sa panahon ito,” wika ni Roque sa news briefing. Ang bagong task force, aniya, ay magiging permanente na mamamahala sa rehabilitasyon at pagbangon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, samantalang wala pa ang iminumungkahing Department of Disaster Resilience.
Task force na naman. Sa tuwing may mga sumusulpot na problema na nagaganap dahil sa kapabayaan o kawalan nang kakayahan ang Pangulo na gamitin ang kasalukuyang pwersa ng gobyerno para maiwasan o malapatan ng lunas ang mga ito, gagawa ng grupo, tulad ng “Build Back Better”. Sa totoo lang, hindi makita ang Pangulo nang manalasa ang mga bagyong Rolly at Ulysses. Wala siya na namamahala at nagbibigay ng direksyon sa mga ahensiya ng gobyerno bago dumating at sa panahong namumuksa na ang mga ito. Iba iyong nakikita siya dahil mapipilitang magpursige ang mga opisyal ng gobyerno na binigyan niya ng kani-kanilang tungkulin. Kaya, itong paglikha ng task force o grupo na mamahala sa isang mapaminsalang sitwasyong na nahahayag ang kawalan ng kakayahan ng gobyerno o kakulangan nitong magresponde ay pagpapaganda lang ng imahe. Pang-Pulse Asia survey lang ito.
Bakit mo paniniwalaan na may may magagawa ang task force at tapat ang Pangulo na ipatupad ang layunin nito. Tignan ninyo ang mga task force na nilikha para mamahala sa rehabilistasyon at pagsasaayos sa pinsala dulot ng bagyong Yolanda, sa ginawa ng Pangulo sa Marawi nang pulbusin niya ito ng mga bala at bomba. Nakabitin hanggang ngayon. Kamakailan, iyong task force laban sa korupsyon na pinamiimbestigahan ng Pangulo ang lahat ng ahensiya ng gobyerno dahil, aniya, talamak at hindi na masawata ang korupsyon. Bago pa lang mag-imbestiga ang task force, ang mga pinuno ng DOH at DPWH, ayon sa Pangulo, ay walang kaugnayan sa mga anomalya na nagaganap dito. Paano, makakaganap ng tungkulin ang mga task force eh ang pinuno at miyembro ng isa, sila rin ang pinuno at miyembro ng iba na ang kwalipikasyon ay sila ay nasa kaloob-looban ng sirkulo ng Pangulo. Hindi mga task force ang mga ito, sila ay ASK FORCE.
-Ric Valmonte