Sa isang nakaplanong “surgical move” upang malunasan ang problema ng katiwalian sa state firm, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Setyembre 28, na imungkahi niya sa Kongreso ang paglusaw sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Inamin ng Pangulo, sa isang pahayag sa telebisyon nitong Lunes ng gabi, na mas gusto niya ang pagpapalit ng PhilHealth ng isang bagong ahensya kaysa sa pribatisasyon ng korporasyon ng estado. “Itong PhilHealth, I am going to propose to Congress to abolish the… Kung i-privatize mo naman, susmaryosep, walang pera. Sino insurance mo…? Huwag mo sabihin ng mga kapitalista sa insurance: Kami ang magbayad? Wala kayong pondo,” wika niya.
Inamin ni Duterte na ang gobyerno ay napilitang magbenta ng real estate properties sa Japan upang makalikom ng pondo.
“Wala nang pambayad ‘yang sa PhilHealth na ‘yan kung… Kaya walang ibang remedy diyan. It must be a surgical move. Talagang… Kung hindi, paalisin ko sans the itong mga civil-civil service, create a new agency out of that --- out of the ruins of that old one,” aniya. Sinabi din ni Duterte na balak niyang magpatupad ng isang “revamp” ng PhilHealth at “consider everybody resigned.” Sinabi niya kay Health Secretary Francisco Duque III, na naroon sa pagpupulong kasama ang mga opisyal, na walang mangyayari kung mananatili ang kasalukuyang setup ng PhilHealth.
-Genalyn Kabiling