Hinamon ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza si Speaker Alan Peter Cayetano na igalang ang hatian sa termino o term-sharing sa speakership na mismong si Pangulong Duterte at namagitan at umayos at panindigan ang palabra de honor at delicadeza.
Ipinaliwanag ni Atienza, dapat tuparin ni Cayetano ang usapang maginoo (gentleman’s agreement) nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang walang kondisyon.
May hinala ang ilang kongresista na parang ayaw bitiwan ni Cayetano ang puwesto dahil sa umano’y dumaraming bilang ng mga mambabatas na nagnanais na ipagpatuloy nito ang pagiging speaker.
“Nagkasundo sila sa harap ng Pangulo,” paalala ni Atienza.
Sa kasunduan noong Hulyo 2019, hahawakan ni Cayetano ang posisyon sa loob ng 15 buwan ng 18th Congress hanggang Oktubre 2020 samantalang papalitan siya ni Velasco bilang speaker sa loob ng 21 buwan hanggang Hunyo 2022.
Umapela rin si Atienza kay Pangulong Duterte na makialam sa usapin. “Ginoong Pangulo, ‘wag ninyong hayaan na masira ang gentleman’s agreement sa term-sharing. Kung hindi, malamang na masira ang Kongreso kapag ang palabra de honor at delicadeza ay hindi sinunod.”
Kaugnay nito, maraming political at regional blocs ang nagkakaisa upang kumbinsihin si Cayetano na balewalain ang hatian sa termino nila ni Velasco upang maging madulas ang pagpapasa sa P4.5 trilyong national budget at matugunan nang mabisa ang paglaban sa Covid-19 pandemic.
-Bert de Guzman