PATULOY sa pagpuna si Vice Pres. Leni Robredo sa ginagawang pagtugon ng Duterte administration sa pananalasa ng COVID-19 pandemic. Mahigit nang anim na buwan ang lockdown o community quarantine, isa sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo.

Noong Huwebes, muling binira ni VP Robredo ang umano’y kawalan ng sistema ng gobyerno sa pagharap sa pandemya na patuloy sa pagdami ng kaso bagamat may nagsasabing bumababa na raw ito o napa-flatten na ang curve.

Binalewala lang ng Malacañang ang mga pagpuna ni Robredo tungkol sa isyu ng COVID-19 at sinabing bilang lider ng oposisyon, natural lang na wala itong masasabing maganda o positibo sa administrasyon.

Naniniwala si beautiful Leni na kahit lumayas si Health Sec. Francisco Duque III sa puwesto at palitan ng bagong Kalihim, wala ring mangyayari habang walang maayos at matinong sistema ang pambansang gobyerno sa paglaban sa pandemya.

National

Usec. Castro sa umano’y ex-VP Leni vs VP Sara: 'Aksyon vs Bakasyon?'

May ilang mambabatas ang nanawagan kay Duque na mag-resign dahil sa “failure of leadership, nagligence and lack of foresight” sa pagtugon sa COVID-19 pandemic. Hiniling din nila na sibakin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Duque sa gitna ng mga alegasyon ng bilyun-bilyong pisong kurapsiyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na siya ang chairman.

Para kay VP Robredo, talagang walang tunay na lider ang bansa sa mabisang pagtugon sa coronavirus. “It seems that there is no cohesive plan.. there’s no one leading. If you look at the work being done by the agencies, as if they are working in silos.”

Dapat daw ay mismong si PRRD ang manguna sa pagharap sa COVID-19, pero parang ayaw raw nito ang gayong role o baka busy siya sa ibang mga bagay. Dapat daw ay may isang tao na mangangasiwa rito. Para kay Robredo, ang failure ay nasa sistema, hindi lang kay Sec. Duque. “Alisin man o hindi si Secretary Duque, kung mananatili ang sistema, ang mga problema ay hindi rin mawawala.”

Habang sinusulat ko ito, nagkokontrahan ang ilang miyembro ng gabinete ni Mano Digong tungkol sa isyu ng physical-social distancing sa pampublikong sasakyan. Para kina Interior and Local Government Sec. Eduardo Año at Health Sec. Francisco Duque III, dapat panatilihin ang isang metrong (one meter) agwat. Ito raw ay non-negotiable.

Sa panig naman ni DOTr Sec. Arthur Tugade, ginawang 0.75 metro mula sa isang metro ang distansiya ng mga pasahero sa sasakyan. Pagkaraan ng dalawang linggo, gagawin itong 0.5 metro at magiging 0.3 metro pagkaraan ng panibagong dalawang linggo.

Nanindigan si Año sa pagkontra sa pagbabawas sa agwat sa mga pasahero sa public transport, binigyang-diin na ang pagbubukas sa ekonomiya ng PH ay hindi dapat isagawa at the expense sa kalusugan ng mahigit na 100 milyong populasyon ng bansa.

Ganito ang pahayag ni Año sa English: “We can open up the economy, but for me, sacrificing the one-meter distance is non-negotiable.” Suportado ni Duque si Año sa katwirang ang isang metrong distansiya sa public places ay napatunayang epektibo sa pagsawata sa pagkalat ng COVID-19 nang hanggang 81 porsiyento.

“Mas malayo ka sa ibang tao, mas mabisa ang risk reduction at mas better ang protection rate,” ani Duque. Aniya, ang pagsusuot ng face masks at face shields ay magbibigay ng higit na proteksiyon, kasama ang angkop na agwat ay magbibigay ng 95 porsiyentong proteksiyon upang hindi mahawa ng virus.

Maging ang mga Metro Mayor ay nabigla sa pinalabas na guidelines ng DOTr na nagpapaikli sa distansiya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan, gaya ng mga bus. Sinabi ni Metro Manila Council head Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, na hindi sila kinunsulta tungkol sa pagbabawas sa 0.75 metrong pagitan.

-Bert de Guzman