Dalawang kongresista ang naghamunan ng suntukan dahil sa isyu ng umano’y hindi patas na pagkakaloob ng budget para sa proyektong-bayan ng Department of Works and Highways (DPWH) para sa 2021.
Ang dalawa ay sina Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. at House Deputy Speaker LRay Villafuerte (Camarines Sur).
Si Teves ay kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na nakatakdang pumalit kay House Speaker Alan Peter Cayetano na kaalyado naman ni Villafuerte sa Oktubre.
Ang term-sharing nina Cayetano at Velasco ay mismong si Pangulong Duterte ang namagitan at umayos.
Nagpalitan ng matitinding akusasyon sina Villafuerte at Teves nang simulan ng una ang pagkuwestiyon sa umano’y “malaking alokasyon” sa infrastructure projects sa distrito ni Villafuerte.
Kinumpronta ni Teves ang mga opisyal ng DPWH tungkol sa “rumors” na ang Taguig City ni Cayetano ay nakatanggap ng P8-bilyon samantalang ang Camarines Sur ni Villafuerte ay tumanggap ng P11.8 bilyon.
Ayon kay Teves. hindi makatwiran na ang ilang siyudad at probinsiya ay nakakukuha ng malalaking pondo kaysa iba na nakatatanggap lang ng P2 bilyon.
“I really can’t understand why others are receiving P8 billion while some don’t even get P2 billion,” ani Teves. “I want to understand, my constituents to understand, the whole country to understand, and I hope it would reach the ears of the President that there’s a big disparity here.”
Sa galit ni Villafuerte, inakusahan niya si Teves ng pagiging “hatchet man” ng Velasco bloc na humaharang sa mabilis na pagpapatibay ng 2021 budget sa ilalim ng termino ni Cayetano upang si Velasco na ang pumalit bilang Speaker.
Sa puntong ito, hinamon ni Teves si Villafuerte na magsuntukan na lang sila kahit sa loob ng session hall o sa labas man para malutas ang kanilang mga isyu.
Kumasa naman sa hamon si Villafuerte at naiulat na handa siya kahit saan lugar.
-BERT DE GUZMAN