SA unang pagkakataon sa nakalipas na anim na buwan—anim na buwan ng COVID-19 pandemic sa Europe— tumanggap ng bisita si Pope Francis sa San Damaso courtyard ng Vatican Apostolic Palace nitong Miyerkules.
“After so many months, we resume our encounters face to face – not screen to screen, face to face – and this is beautiful,” pahayag ng Santo Papa habang naglalakad patungo sa dais para sa kanyang talumpati. Makailang beses siyang huminto upang makipag-usap sa ilan mula sa 500 tao na nakatindig sa likod ng mga harang, habang nakasuot ng face mask. Nanatili siya ng isa hanggang dalawang metro mula sa mga tao, bilang pagsunod sa panuntunan ng social distancing, ngunit bakas sa kanyang mukha ang kaligayahan na makita at makumusta ang mga tao.
Bago ang pandemya, libu-libong mananampalataya ang dumadayo sa St. Peter’s Square kung saan isinasagawa ng Santo Papa ang kanyang talumpati para sa mga tao. Noong Marso, nang magsimula nang kumalat ang nakamamatay na pandemya sa buong mundo, na unang matinding naramdaman ng Italy at Spain sa Europe, sinuspinde ng Santo Papa ang kanyang pagtatalumpati sa publiko at sinimulang gumamit ng telebisyon at on-line communication upang makipag-usap sa mga tao.
Sa kanyang talumpati nitong Miyekules, inanunsiyo ng Santo Papa ang isang araw ng pananalangin at pag-aayuno para sa Lebanon na nagdurusa ng matindi mula sa mapaminsalang pagsabog na kumitil sa buhay ng nasa 190 tao at patuloy na nagdurusa dahil sa lumalagong sectarian tension. “We cannot abandon Lebanon to itself,” pahayag ng Santo Papa habang hiniling niya sa mga bansa sa buong mundo “[to] help without getting involved in regional tensions.”
Ngunit ang harapang pakikipag-usap niya sa mga mananampalataya nitong Miyerkules ang nagpa-espesyal para sa Santo Papa at mga tao sa dumalo. Sinuri ang temperatura ng mga bisita sa kanilang pagpasok sa Vatican at pinagsuot ng face mask. Maging ang mga Swiss Guards na nasa kanilang ceremonial uniform ay nakasuot din ng face masks.
Umaasa tayong ang harapang pakikipagpulong ng Santo Papa sa mga tao nitong Miyerkules ay isang senyales ng bagong simula mula sa mundo na sinalanta ng pandemya sa maraming paraan—sa milyon-milyong impeksyon at daan-libong pagkamatay, sa pagbagsak ng maraming ekonomiya, sa matinding pagbabago sa buhay ng mga tao na nawalan ng hanapbuhay, tradisyunal na selebrasyon, at maging ang pagbisita sa simbahan.
Sa Metro Manila, pinayagan na ng pamahalaan nitong Miyerkules ang mga tao na bumisita sa simbahan, hanggang sa 10 porsiyento nitong kapasidad, makalipas ang maraming buwan noong 10 tao lamang ang pinapayagang pumasok. Isa itong magandang balita ito para sa mga mananampalataya na nagtitiis na makinig ng Misa sa labas ng simbahan o sa plaza malapit sa simbahan.
Nagpapasalamat tayo sa lahat ng modern telecommunication system na tumutulong sa atin upang manatiling konektado sa iba, ngunit tulad nga ng sabi ng Santo Papa, “[meeting] face to face, not just screen to screen -- it’s so beautiful.” Tunay ito para sa lahat ng aktibidad, lalo’t higit para sa mga taong nagtitipon para sa pagsasama at pananampalataya.