LAKE BUENA VISTA, Fla. (AP) — Sinamantala ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na tumiba ng 29 puntos, ang pagal na katawan ng Denver Nuggets tungo sa 120-97 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Game One ng Western Conference semifinals.
Nag-ambag si Paul George ng 19 puntos, at tumipa si Marcus Morris ng 18 sa Clippers na humataw sa 57% sa field.
Nanguna si Nikola Jokic na may iskor na 15 puntos sa Nuggets, galing sa dikdikang seven-game series laban sa Utah nitong Martes (Miyerkoles sa Manila). Nalimitahan si Jamal Murray, may averaged 31.6 puntos sa first round at nakapuntos ng 50 puntos ng dalawang ulit sa serye, sa mababang 12 puntos mula sa 5-of-15 shooting.
Kaagad na nakontrol ng Clippers ang tempo ng laro at naisara ang halftime sa dominanteng 69-51 iskor.
RAPTORS 104, CELTICS 103
Nakaiwas sa posibleng ‘sweep’ ang defending NBA champion Toronto Raptors matapos maungusan ang Boston Celtics sa Game 3 ng kanilang Eastern Conference semifinals nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Naisalpak ni OG Anunoby ang ‘hail mary’ three-pointer sa buzzer mula sa crosscourt inbounds pass ni Kyle Lowry para sa makapigil-hiningang panalo.
Nauna rito, nakuha ng Boston ang dalawang puntos na bentahe sa dunk ni Daniel Theis mula sa assist ni Kemba Walker. Wala nang panahon para sa diskarte, kaagad na ibinalibag ni Lowry ang bola kay Anunoby para sa miracle shot at matapyas ng Raptors ang bentahe ng Celtics sa 1-2.
Wala pang koponan sa kasaysayan ng NBA ang nakabangon at nagwagi mula sa 0-3 paghahabol. Sa pagkakataong ito, hindi na kailangan ng Raptors na magtangka sa kasaysayan.
Tumipa si Anunoby ng 12 puntos, habang kumana si Fred VanVleet ng 25 puntos at nag-ambag si Pascal Siakam ng 16 puntos.