Iginiit ni Senator Francis Pangilinan na dapat magpalabas ng plano at protocol ang pamahalaan hinggil sa pagsugpo sa epidemiya, lalo pa’t dumarami na rin ang tinatamaan nito sa hanay ng mga pulis.
“Nababahala at nag-aalala kami sa mga balitang parami nang parami sa ating mga kapulisan ang positibo sa COVID-19. Malaking bahagi sila ng pandemic response ng pamahalaan.
Pero ano’ng mangyayari sa mga plano kung sunud-sunod silang nagkakasakit habang ginagampanan ang kanilang tungkulin? There has to be a better, clearer, safer way to go about the new normal,” aniya.
Sa Tuguegarao City, Cagayan, positibo ang kanilang hepe na si Police chief Col. Jonalyn Tecbobolan at 13 na tauhan nito kaya nananatili silang naka-lockdown mula pa noong Agusto 17.
Mahalaga aniya ang kanilang kalusugan at kaligtasan kung kaya’t kailangan natin ng mas matatag na paraan kung paano haharapin ang new normal.
“Paano natin mababawasan ang banta ng COVID-19 para sa lahat ng ating mga frontliner, kasama na ang mga kapulisan? If this is our new normal, there has to be a better normal. Paigtingin pa lalo ang contact tracing lalo na sa lokal. The government was given the resources to do exactly that, and we expect them to follow through,” dagdag pa nito.
Tiwala naman si Senatror Grace Poe na magiging matagumpay ang contract tracing sa pamumuno ng Department of Interior and Local Government (DILG), na may P5-bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One bill.
-Leonel Abasola