Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na magbabalik nang muli ang operasyon ng kanilang lotto games, sweepstakes at online keno matapos pahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Marzan-Garma, batay sa kanilang inilabas na Lotto Circular No. 2020-004, kabilang sa mga inaprubahan ang pagbabalik-operasyon ay ang pagbebenta ng Instant Sweepstakes na sinimulan nitong Hulyo 20, 2020; Online Keno, na ang operasyon ay sisimulan sa Hulyo 28, 2020 ngunit may limitadong operasyon lamang na mula 7:00AM hanggang 5:00PM lamang; at ang Lotto Games, na bubuksan naman sa Agosto 4, 2020.
Nilinaw ni Garma na ang pagbabalik ng operasyon ng mga lotto at keno outlets ay depende sa quarantine level sa kanilang lugar.
“The resumption of the PCSO gaming operations is subject to the quarantine level declared under your respective areas. Only areas under General Community Quarantine (GCQ) and Modified General Community Quarantine (MGCQ) are allowed to resume their selling operations,” nakasaad pa sa naturang Lotto Circular.
Aniya pa, limitado pa rin ang kanilang lotto games at tanging ang Lotto 6/42 at MegaLotto 6/45 lamang rin muna ang inisyal nilang ibebenta.
-Mary Ann Santiago