DEAR Manay Gina,
Gusto ko na hong makipaghiwalay sa aking asawa dahil masyado siyang babaero. Hindi naman n’ya ‘ko binubugbog. Kaya lang, talagang wala sa kanya ang mga katangiang hinahanap ko sa isang asawa. Siguro, halos dalawang taon na ngayon, mula nang huli kaming magtalik. Kasi po, wala na talaga akong nadaramang pagmamahal sa kanya.
Sinabi ko na ito sa kanya pero ayaw niyang maghiwalay kami. Tinakot pa n’ya ‘ko, na kukunin daw n’ya ang aming mga anak. Wala kasi akong trabaho at umaasa lamang sa kanya. Dahil dito napipilitan akong magtiis sa kanyang piling. Ang mga kaibigan ko at pamilya ay hati sa kanilang opinyon sa bagay na ito. Ano kaya ang dapat kong gawin? Wala naman ho akong lover o bf. Talagang gusto ko lamang mahiwalay sa aking asawa. Tammy
Dear Tammy,
Hindi naman kailangang magulpi muna ang babae bago makipaghiwalay. At ang alam ko, hindi lamang ang kakayahang pinansiyal ang pinagbabatayan ng korte tungkol sa pagbibigay ng karapatan sa mga anak, kaya huwag kang magpadala sa kanyang banta.
Tungkol naman sa ‘yong mga kaibigan at magulang — well, talagang hati ang kanilang opinion dahil hindi lamang ang buhay mo ang nakataya dito kundi maging ang kinabukasan ng inyong mg anak. Pero, I guess, napag-isipan mo na ito.
Lumapit ka sa isang abugado para malaman mo ang iyong mga karapatan bilang babae at ina. Lahat ng bayan ay may Public Attorney’s Office. Puwede ka ring lumapit sa lokal na samahan ng mga abugado, gaya ng BAR, FLAG at iba pa, na nagbibigay ng libreng tulong sa mga mahihirap na nangangailangan ng abugado. Kausapin mo rin ang iyong pamilya. Habang inaasikaso mo ang bagay na ito at wala ka pang hanapbuhay, kailangan mo ang suporta nila. Bigyan mo rin ng prayoridad ang paghahanap ng kabuhayan. Kailangan mo ng salapi para sa binabalak mong pagsasarili. Makakaya mo ito, kung lulutasin mo, one step at a time. Good luck.
Nagmamahal, Manay Gina
“The greatest barrier to success is the fear of failure.” —Sven Goran Eriksson
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia