BAKANTE na ang isa sa kilalang sports facilities ng bansa na ginamit bilang pansamantalang ospital ng mga pasyente ng COVID-19.

Ito ay matapos na makauwi ang huli sa 123 pasyente na sumailalim sa ‘quarantine’ sa Ninoy Aquino Stadium (NAS). Wala ring naiulat na nasawi sa mga pasyente sa isa sa  “We Heal as One Centers”.

“Malaking pasalamat po natin sa Panginoon dahil wala pong namatay sa ating mga pasyente. Napakagaling po ng ating AFP medical doctors dahil ginawa po nila ang mga nararapat,” pahayag ni Philippine Sports Commission’s Security Supervisor Angel Dayag.

Matapos mapauwi ang lahat ng mga nakaligtas na pasyente, agad naman na nagsagawa ng  full disinfection  ang pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC).

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang pagkupkop ng PSC sa mga pasyente na positibo sa nasabing virus sa pamamagitan ng mga sports facilities nito na ipinahiram at ginawang ospital pansamantala.

Ang Rizal Memorial Coliseum sa kasalukuyan ay may 67 pasyente na nalalabi, ayon sa   Armed Forces Health Service Command, habang ang Multi-Purpose Arena (MPA)  sa loob ng Philsports Complex sa Pasig City ay mayroong  34 pasyente ayon sa Philippine National Police Health Service head na si  Lt. Col. Jay Carpio.

“Kami pong PSC frontliners, umaasa po kami na gagaling po ang lahat ng mga pasyente natin dahil ginagawa naman po lahat ng AFP medical doctors ang lahat. Ang hiling lang po namin ay sana walang mamatay sa ating mga pasyente, dasal na lang talaga ang kailangan natin," ayon kay Dayag.    ANNIE ABAD